15 Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy,
16 at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata.
17 Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak.
18 Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.”
19 Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata.
20 Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso.
21 Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.