20 Kaya't ang sabi niya, “Napakainam itong kaloob sa akin ng Diyos! Ngayo'y pahahalagahan na ako ng aking asawa, sapagkat anim na ang aming anak.” Ang anak niyang ito'y tinawag naman niyang Zebulun.
21 Di nagtagal, nagkaanak naman siya ng babae, at ito'y tinawag niyang Dina.
22 Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin.
23 Nagdalang-tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, “Tinubos din ako ng Diyos sa aking kahihiyan at niloob na ako'y magkaanak.”
24 At tinawag niyang Jose ang kanyang anak sapagkat sinabi niyang “Sana'y bigyan ako ni Yahweh ng isa pa.”
25 Nang maipanganak si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan na po ninyo akong makauwi.
26 Isasama ko na po ang aking mga asawa at mga anak. Marahil po nama'y sapat na ang aking ipinaglingkod sa inyo dahil sa kanila.”