25 Nang ikatlong araw na matindi pa ang kirot ng sugat ng mga tinuli, kinuha nina Simeon at Levi na mga kapatid ni Dina, ang kanilang tabak at pinagpapatay ang mga lalaki roon na walang kamalay-malay.
26 Pinatay nila pati ang mag-amang Hamor at Shekem, at itinakas si Dina.
27 Pagkatapos ng pagpatay sinamsam naman ng ibang mga anak ni Jacob ang mahahalagang ari-arian doon. Ginawa nila ito dahil sa panghahalay sa kanilang kapatid na babae.
28 Sinamsam nila pati mga kawan, mga baka, mga asno at lahat ng mapapakinabangan sa bayan at sa bukid.
29 Dinala nilang lahat ang mga kayamanan, binihag ang mga babae't mga bata, at walang itinirang anuman.
30 Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng napakalaking suliranin. Ngayon, kamumuhian ako ng mga Cananeo at Perezeo. Kapag nagkaisa silang salakayin tayo, wala tayong sapat na tauhang magtatanggol; maaari nilang lipulin ang aking sambahayan.”
31 Ngunit sila'y sumagot, “Hindi po kami makakapayag na ituring na isang masamang babae ang aming kapatid.”