1 Si Jacob ay nanatili sa Canaan, sa lupaing tinirhan ng kanyang ama.
2 Ito ang kasaysayan ng sambahayan ni Jacob:Nang si Jose ay labimpitong taon na, nag-aalaga siya ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid sa ama, ang mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Alam niya ang masasamang gawain ng kanyang mga kapatid kaya't ang mga ito'y isinumbong niya sa kanilang ama.
3 Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas.
4 Nang mahalata ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama, kinamuhian siya ng mga ito at ayaw siyang pakisamahang mabuti.
5 Minsan, nanaginip si Jose at lalong namuhi ang mga kapatid niya nang ito'y ikuwento niya sa kanila.
6 Sabi ni Jose, “Napanaginipan ko,
7 na tayo ay nasa bukid at nagbibigkis ng trigo. Tumayo ang aking binigkis at yumukod sa paligid nito ang inyong mga binigkis.”