25 Pagkatapos, inilabas ng magkakapatid ang kanilang handog para ipagkaloob kay Jose pagdating nito. Narinig nilang doon sila magsasalu-salo.
26 Pagdating ni Jose, yumukod silang lahat sa kanyang harapan at ibinigay ang dala nilang handog.
27 Kinumusta sila ni Jose at pagkatapos ay tinanong, “Kumusta naman ang inyong ama? Malakas pa ba siya?”
28 “Ginoo, buháy pa po siya at malakas,” tugon nila. At sila'y lumuhod at yumukod muli sa harapan niya.
29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin, siya ay nagtanong, “Ito ba ang sinasabi ninyong bunsong kapatid? Pagpalain ka ng Diyos, anak!”
30 Hindi mapaglabanan ni Jose ang kanyang damdamin, at halos siya'y mapaiyak dahil sa pagkakita sa kanyang kapatid. Kaya't siya'y pumasok sa kanyang silid at doon umiyak.
31 Nang mapayapa na niya ang kanyang kalooban, naghilamos siya, lumabas, at nagpahain ng pagkain.