1 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa pintuan ng Templo sa gawing silangan. May dalawampu't limang tao roon, kasama si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatia na anak ni Benaias; sila'y mga pinuno ng bayan.
2 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sila ang nagpupunla ng masamang kaisipan sa lunsod na ito.
3 Sinasabi nila sa mga tao na hindi na dapat magtayo muli ng mga bahay sapagkat ang siyudad na ito ang matibay na tanggulan.
4 Kaya, magpahayag ka laban sa kanila.”
5 Nilukuban ako ng Espiritu ni Yahweh at sinabi sa akin, “Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh: Mga Israelita, hindi lingid sa akin ang inyong mga pinagsasabi. Alam ko ang binabalak ninyo.
6 Patuloy ang patayan ninyo sa lunsod na ito at nagkalat ang bangkay sa mga lansangan.
7 Kaya, ito ang sinasabi ko: Ang lunsod ay natulad sa kaldero at ang karne ay ang mga bangkay. Hindi kayo dapat manatili rito.
8 Takot kayo sa tabak kaya ipasasalakay ko kayo sa mga taong bihasa sa paggamit ng tabak.
9 Iaalis ko kayo sa lunsod na ito at ipapabihag sa mga taga-ibang bayan bilang parusa.
10 Mamamatay kayo sa tabak sa may hangganan ng Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.
11 Kailanma'y hindi ninyo magiging tanggulan ang Jerusalem at hindi kayo magiging ligtas sa loob nito. Paparusahan ko kayo kahit saan kayo magpunta.
12 Ipapakilala ko sa inyo kung sino ako sapagkat hindi kayo lumakad ayon sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod ang aking mga utos. Sa halip, namuhay kayo ayon sa tuntunin ng mga bansang nakapaligid sa inyo.”
13 Nang kasalukuyan akong nagpapahayag, patay na bumagsak si Pelatia. Dahil dito'y tumatangis akong nagpatirapa. Itinanong ko, “Panginoong Yahweh, uubusin mo rin ba ang natitira pang Israelita?”
14 Sinabi sa akin ni Yahweh,
15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’
16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’
17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain.
18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon.
19 Bibigyan ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin
20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos.
21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.
22 Pumaitaas ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila.
23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan.
24 Inilipad ako ng Espiritu at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain.
25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.