1 Sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Ezekiel, anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig
3 sapagkat sila'y mapaghimagsik. Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang bihag. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik na lahi.
4 Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay.
5 Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan.
6 Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.”
7 At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. Nang araw na iyon, naghanda ako ng aking madadala bilang isang takas. Kinagabihan, sa pamamagitan lamang ng aking mga kamay, bumutas ako sa pader at nagpatuloy sa paglalakbay na nakikita nila habang pasan ko ang aking mga dala-dalahan.
8 Kinaumagahan, sinabi sa akin ni Yahweh,
9 “Ezekiel, anak ng tao, hindi ba't itinanong sa iyo ng mapaghimagsik na mga Israelitang yaon kung ano ang iyong ginagawa?
10 Sabihin mo sa kanila na ipinapasabi ko: ‘Ang pahayag na ito ay para sa pinuno ng Jerusalem at sa buong Israel.
11 Sabihin mong ang ginawa mo ay pinakababala sa gagawin sa kanila: Itatapon sila, at ipapabihag.’
12 Pagdilim, papasanin ng pinuno ng Jerusalem ang kanyang dala-dalahan at tatakas sa pamamagitan ng butas sa pader. Magtatakip siya ng kanyang mukha para hindi niya makita ang lupaing iiwan niya.
13 Ngunit susukluban ko siya ng lambat. Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia kung saan doon siya mamamatay nang hindi ito nakikita.
14 Ang mga nasasakupan niya ay pangangalatin ko sa lahat ng dako, ang kanyang mga lingkod at buong hukbo. Ang mga ito'y uusigin ko sa pamamagitan ng tabak.
15 At kung mapangalat ko na sila sa iba't ibang lugar, makikilala nilang ako si Yahweh.
16 Ngunit may ilan akong ititira sa kanila para saanman sila mapunta ay maikuwento nila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
17 Sinabi sa akin ni Yahweh,
18 “Ezekiel, anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain at umiinom.
19 Sabihin mo sa kanila, ‘Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa mga Israelita, Kakain kayo at iinom nang nanginginig sa takot. Ang lunsod ay paghaharian ng lagim sapagkat magaganap ang karahasan sa kabi-kabila.
20 Ang mga lunsod ay mawawalan ng tao, at magiging pook ng lagim ang lupain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.’”
21 Sinabi sa akin ni Yahweh,
22 “Ezekiel, anak ng tao, laganap ngayon sa buong Israel ang kasabihang, ‘Humahaba ang mga araw ngunit isa man sa mga hula'y walang katuparang natatanaw.’
23 Sabihin mo sa kanilang mawawala na ang kasabihang iyan, hindi na ito maririnig sa Israel. Sabihin mo ring malapit nang matupad ang lahat ng inihayag sa kanila.
24 Mula ngayo'y mawawala na ang maling pagpapahayag sa sambayanang Israel.
25 Akong si Yahweh ang magsasabi ng dapat sabihin. Hindi na magtatagal, mga Israelitang mapaghimagsik, at mangyayari sa inyong kapanahunan ang lahat ng aking sasabihin.”
26 Sinabi pa sa akin ni Yahweh,
27 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga Israelita na ang nakikita mong mga pangitain ay hindi magkakatotoo kung ngayon lamang. Magtatagal pa raw bago mangyari ang inihahayag mo ngayon.
28 Kaya, sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ko: ‘Isa man sa mga sinabi ko'y hindi maaantala. Hindi na magtatagal at magaganap ang lahat ng ito.’”