1 Pagkatapos, ipinasok ako ng lalaking iyon sa Dakong Kabanal-banalan. Sinukat niya ang daanan nito: tatlong metro ang taas,
2 limang metro ang luwang at dalawa't kalahating metro naman ang kapal ng pader. Sinukat niya ang bulwagan. Ang haba nito ay dalawampung metro at sampung metro ang luwang.
3 Pumasok siya sa huling silid. Sinukat niya ang daanan nito. Ang taas nito ay isang metro, tatlong metro ang luwang at ang kapal ng pader ay tatlo't kalahating metro.
4 Sinukat niya ang bulwagan. Ang luwang nito ay sampung metro, gayon din ang haba. Sinabi niya sa akin, “Ito ang Dakong Kabanal-banalan.”
5 At sinukat din niya ang panloob na pader ng templo. Ang kapal nito ay tatlong metro. Sa pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunod-sunod na mga silid na tig-dadalawang metro ang luwang.
6 Tatlong palapag ang mga silid, bawat palapag ay may tatlumpung silid. Ang pader ng palapag sa itaas ay manipis kaysa nasa ibaba pagkat sa gilid ng pader nakasalalay ang bawat palapag.
7 Sa labas ng mga silid na ito ay may malapad na hagdanang nakadikit sa pader at siyang daanan papunta sa mga palapag. Kung tingnan sa labas ay waring pareho ang kapal ng pader mula sa ibaba hanggang sa itaas. Ngunit sa loob, ang itaas na palapag ay maluwang kaysa sumusunod na palapag.
8 Nakita kong may balkonaheng dalawa't kalahating metro sa paligid ng templo. Tatlong metro ang taas nito mula sa lupa at kapantay ng pundasyon ng mga silid sa gilid.
9-10 Ang kapal ng pader ng mga silid na ito ay dalawa't kalahating metro. Sa paligid ng templo ay may bahaging bukás sa pagitan ng balkonahe at ng silid ng mga pari. Ang bakanteng lugar ay may sukat na sampung metro.
11 May isang pinto papunta sa lugar ng mga silid sa gawing hilaga at isa sa timog; ito'y palaging bukás. Ang luwang ng asutea sa palibot ng templo ay dalawa't kalahating metro.
12 Sa dulo sa gawing kanluran ay may isang gusali na apatnapu't limang metro ang haba at tatlumpu't limang metro naman ang luwang; dalawa't kalahating metro ang kapal ng pader nito.
13 Sinukat ng lalaki ang labas ng templo. Ang haba nito ay limampung metro. Mula sa likod ng templo hanggang sa gusali sa kanluran ay limampung metro rin.
14 Ang pagitan mula sa harap ng templo, pati ng patyo ay limampung metro rin.
15 Sinukat din niya ang haba ng gusali. Ito'y limampung metro pati ang mga silid sa magkabila.Ang mga silid na pasukan sa templo, ang Dakong Banal at ang Dakong Kabanal-banalan, at ang bulwagan sa gawing labas ay
16 nababalot ng tabla, mula sa sahig hanggang bintana.
17-18 Ang loob naman ng templo ay balot ng tablang kasintaas ng pinto at may ukit na larawan ng palmera at kerubin; salitan ang larawan ng palmera at kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha:
19 isa ay mukha ng tao, mukha naman ng leon ang isa. Ang mga ito'y magkatalikod at parehong nakatingin sa puno ng palmera. Ganito ang larawang nakaukit sa lahat ng dingding ng templo.
20 Kasintaas ng pinto ang mga tablang may nakaukit na larawan ng kerubin at puno ng palmera.
21 Ang mga hamba ng pinto ng Dakong Banal ay parisukat. Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan ay may parang
22 altar na kahoy. Ang taas nito'y isa't kalahating metro, isang metro naman ang luwang. Kahoy ang mga paa nito, gayon din ang patungan at ang dingding. Sinabi sa akin ng lalaki, “Iyan ang mesa sa harapan ni Yahweh.”
23 Sa magkabilang dulo ng daanan papunta sa Dakong Banal ay may pinto, gayon din ang papunta sa Dakong Kabanal-banalan.
24 Ang mga pinto ay tigalawang paypay; bawat paypay ay may tigalawang bisagra.
25 Ang pinto papunta sa Dakong Banal ay may nakaukit ding larawan ng kerubin at puno ng palmera, tulad ng nasa dingding. May kahoy na panakip sa labas ng bulwagang-pasukan.
26 Sa bawat panig ng Dakong Banal ay may mga bintana at ang mga dingding ay natatakpan ng tablang may inukit na puno ng palmera.