1 Sinabi pa sa akin, “Kainin mo ang aklat na ito. Pagkatapos, magpahayag ka sa sambahayan ni Israel.”
2 Ngumanga ako upang kanin ang aklat.
3 Sinabi niya sa akin, “Kainin mo ito at magpakabusog ka.” Kinain ko nga ang aklat. Sa aking panlasa ito'y kasintamis ng pulot-pukyutan.
4 Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, pumunta ka sa sambayanang Israel at sabihin mo ang ipinapasabi ko sa iyo.
5 Ang pupuntahan mo ay ang sambayanang Israel, at hindi ibang bansang mahirap unawain ang salita.
6 Ang pupuntahan mo'y mga taong nakakaunawa sa mga sasabihin mo.
7 Ngunit hindi sila makikinig sa iyo pagkat ako mismo'y ayaw nilang pakinggan. Matigas ang ulo nila.
8 Ngunit ikaw ang gagawin kong katapat nila. Patitigasin ko ang iyong kalooban, tulad nila.
9 Patatatagin kita tulad ng isang batong-buháy. Huwag kang matatakot sa mapaghimagsik na sambayanang iyon.”
10 Sinabi pa niya sa akin, “Pakinggan mong mabuti at tandaan itong sasabihin ko:
11 Pumunta ka sa mga kababayan mong dinalang-bihag na tulad mo. Sa makinig sila at sa hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”
12 Ako'y itinaas ng Espiritu, at narinig ko ang ugong ng isang malakas na tinig na nagsasabi: Purihin ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang Panginoon ng kalangitan.
13 At narinig ko ang pagaspas ng pakpak ng mga nilalang na buháy at ugong ng kanilang mga gulong na parang ugong ng malakas na lindol.
14 Naramdaman ko ang kapangyarihan ni Yahweh at nag-aalab ang galit ko habang ako'y inililipad ng Espiritu.
15 At dumating ako sa Tel-abib, sa baybay ng Ilog Kebar, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Pitong araw akong natigilan at hindi makapagsalita.
16 Pagkaraan ng pitong araw, sinabi sa akin ni Yahweh,
17 “Ezekiel, anak ng tao, ginagawa kitang bantay ng bansang Israel. Makinig ka sa aking sasabihin, at bigyan mo sila ng babala.
18 Kapag sinabi kong tiyak na mamamatay ang mga taong masama, at hindi mo sila binigyan ng babala upang sila'y makapagsisi, ang mga tao ngang iyon ay mamamatay dahil sa kanilang kasalanan; ngunit pananagutan mo sa akin ang kanilang kamatayan.
19 Subalit kapag binigyan mo sila ng babala, at hindi sila nagsisi sa kanilang kasamaan, mamamatay nga sila dahil sa kanilang mga kasalanan; ngunit hindi mo iyon pananagutan.
20 Kapag nagpakasama ang isang matuwid, ilalagay ko siya sa panganib. Mawawalan ng kabuluhan ang kabutihang ginawa niya noong una at mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan. Kapag hindi mo siya binigyan ng babala, pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan.
21 Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang mga taong matuwid, at sila'y lumayo sa kasamaan, hindi sila mamamatay; at wala kang pananagutan.”
22 Hinawakan ako ni Yahweh at sinabi sa akin, “Tumayo ka. Magpunta ka sa kapatagan at may sasabihin ako sa iyo.”
23 Tumayo nga ako at nagpunta sa kapatagan. Pagdating doon, nakita ko ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng nakita ko sa baybayin ng Ilog Kebar. Nagpatirapa ako sa lupa.
24 Ngunit nilukuban ako ng Espiritu, itinindig niya ako at sinabi sa akin, “Umuwi ka at magkulong sa iyong bahay.
25 Doon ay gagapusin ka upang hindi ka makasama sa iyong mga kababayan.
26 Ididikit ko ang dila mo sa iyong ngalangala para hindi mo mapagsabihan ang mapaghimagsik mong mga kababayan.
27 At kung may gusto akong ipasabi sa iyo, muli kang makapagsasalita. Kung magkagayon, sasabihin mo sa kanila ang ipasasabi ko. Kung gusto nilang makinig sa iyo, makinig sila; kung ayaw nila, huwag; sapagkat sila'y tunay na mapaghimagsik na sambayanan.”