1 Sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mong ipinapasabi ko: Nakatakda na ang parusa sa inyo, mga pinuno ng Israel. Sarili lamang ninyo ang inyong iniintindi at hindi ang mga tupa.
3 Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, at nagpapatay ng mga pinatabang hayop, ngunit hindi ninyo pinapakain ang mga tupa.
4 Bakit hindi ninyo pinapalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal.
5 Sila'y nangangalat, at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat ang mga ito'y walang pastol.
6 Ang mga tupa ko'y nagkalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, ngunit walang ibig humanap sa kanila.
7 “Dahil dito, mga pinuno, dinggin ninyo ang aking sinasabi:
8 Ako ang Diyos na buháy. Ang mga tupa ko'y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat walang nangangalaga sa mga ito. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan nila ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog.
9 Kaya nga makinig kayo, mga pastol.
10 Pakinggan ninyo itong aking sinasabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito.”
11 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa.
12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan.
13 Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan.
14 Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel.
15 Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan.
16 Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, ngunit pupuksain ko ang mga malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang katarungan.
17 “Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ng inyong Diyos na si Yahweh: Ako ang magiging hukom ninyo. Hahatulan ko kayo at ibubukod ang mga tupa sa mga kambing.
18 Hindi na kayo nakuntento sa panginginain; sinisira pa ninyo ang di n'yo maubos. Bakit hindi na lang kayo uminom hanggang ibig ninyo? Bakit binubulabog pa ninyo ang tubig na natitira?
19 Ang kinakain ng aking kawan ay ang tinatapak-tapakan pa ninyo at ang iniinom ay ang binulabog ninyong tubig.”
20 “Dahil dito,” sabi ni Yahweh, “ako mismo ang magbubukod-bukod sa malulusog at mahihinang tupa.
21 Ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mga mahihina hanggang sa sila'y mangalat kung saan-saan.
22 Dahil dito, ako ang mangangalaga sa aking kawan at hindi ko papayagang sila'y inyong apihin. Ihihiwalay ko ang mabubuti sa masasama.
23 Itatalaga ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila.
24 Akong si Yahweh ang magiging Diyos nila at ang mamamahala sa kanila ay isang haring tulad ng lingkod kong si David. Akong si Yahweh ang maysabi nito.
25 “Gagawa ako ng tipan upang mabuhay sila nang mapayapa. Paaalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop upang ang mga tupa ko'y magkaroon ng kapanatagan maging sa kaparangan o sa kagubatan man.
26 Pagpapalain ko sila at ang lupain sa palibot ng burol na itinalaga nila sa akin. At pauulanin ko sa kapanahunan. Sila'y pauulanan ko ng pagpapala.
27 Mamumunga ang mga punongkahoy sa kabukiran. Mag-aani sila nang sagana buhat sa kanilang lupain at sila'y mamumuhay doon nang panatag. At kung mapalaya ko na sila mula sa umaalipin sa kanila, makikilala nilang ako si Yahweh.
28 Hindi na sila lolooban ng ibang bansa ni dadaluhungin ng mababangis na hayop. Mamumuhay na sila nang matiwasay at payapa.
29 Pag-aanihin ko sila nang sagana mula sa kanilang matabang lupain para hindi sila dumanas ng gutom ni kutyain ng ibang bansa.
30 Malalaman ng lahat na ako ang nag-iingat sa Israel na aking bayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
31 Kayo ang aking mga tupa sa aking pastulan; ako ang inyong Diyos.”