1 Noong unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing isang taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa hari ng Egipto at sa kanyang mga tauhan:Ano ba ang nakakatulad mo sa iyong kapangyarihan?
3 Ang katulad mo ay sedar sa Lebanon.Mayayabong ang sanga. Malago ang dahon.Ang taas mo'y walang katulad.Ang dulo ng iyong sanga ay abot sa ulap.
4 Sagana ka sa dilig;may agos pa sa ilalim ng lupang kinatatayuan mo.Ganoon din sa bawat punongkahoy sa gubat.
5 Kaya ito ay tumaas nang higit sa lahat.Ang mga sanga'y mayayabong at mayabong ang dahonsapagkat sagana nga sa tubig.
6 At doon ang mga ibo'y gumagawa ng pugad.Sa lilim nito nagluluwal ng anak ang mga hayop.At ang mga bansa ay sumisilong sa kanya.
7 Anong inam pagmasdan ang maganda niyang kaanyuan.Marami ang sanga. Mayayabong. Malalabay.Mga ugat nito ay abot sa masaganang bukal ng tubig.
8 Hindi ito mahihigtan kahit ng sedar sa hardin ng Diyos,ni maipaparis sa alinmang punongkahoy sa hardin ng Diyos.
9 Ito'y aking pinaganda. Pinayabong ko ang mga sanga.Kaya, nananaghili sa kanya ang mga punongkahoy sa hardin ng Diyos, sa Eden.
10 Kaya't sinasabi ng Panginoong Yahweh, kung ano ang mangyayari sa punongkahoy na itong tumaas hanggang sa nakikipaghalikan sa mga ulap. Ngunit habang tumataas, nagiging palalo siya.
11 Kaya naman, ipapasakop ko siya sa isang makapangyarihang bansa upang maranasan niya ang pahirap na marapat sa kanya.
12 Ibubuwal siya ng mararahas na bansa, saka iiwan. Mga sanga nito ay bali-baling babagsak sa mga bundok, kapatagan at tubigan. Mag-aalisan ang mga taong sumisilong sa kanya.
13 Ang mga ibon ay hahapon sa puno nitong nakabuwal, at ang mga hayop na ilap ay lalakad sa mga sanga nitong naghambalang.
14 Mangyayari ito upang kahit na ang punongkahoy na sagana sa dilig ay hindi na makataas hanggang sa ulap. Silang lahat ay pababayaan kong mamatay tulad ng tao. Sa gayon, lahat ay makakaranas ng kamatayan sa walang hanggang kalaliman.”
15 Ipinapasabi nga ito ni Yahweh: “Kapag naihulog na ito sa daigdig ng mga patay, pababayaan ko siyang lumubog sa tubig sa ilalim ng lupa. Pipigilin ko ang agos ng mga tubig para hindi ito umagos sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pagkamatay ng kahoy, babalutin ko ng kadiliman ang Bundok Lebanon at malalanta ang mga kahoy doon.
16 Ang mga bansa'y mayayanig sa lakas ng kanyang pagbagsak sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, masisiyahan ang mga kahoy sa walang hanggang kalaliman, ang pinakapiling punongkahoy sa Eden at ang mga piling sedar ng Lebanon.
17 Pare-pareho silang dadalhin sa daigdig ng mga patay para doon sila magsama-sama ng mga namatay na. Anupa't ang lahat ng sumilong sa kanya ay mangangalat sa iba't ibang bansa.
18 “Alin sa mga punongkahoy ng Eden ang maitutulad sa karangalan at kapangyarihan nito? Gayunman, ihuhulog siya sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga punongkahoy ng Eden. Isasama siya sa mga napatay sa digmaan. Ang kahoy na ito ay ang Faraon at ang kanyang mga tauhan.”