1 Noong unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Ezekiel, anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Egipto. Sabihin mo, ikaw ay batambatang leon sa gitna ng maraming bansa. Tulad ka ng buwaya sa mga batis ng Ilog Nilo. Binubulabog mo ang tubig at pinarurumi ng iyong mga paa.
3 Kapag natipon na ang mga bansa, pahahagisan kita ng lambat at ipaaahon sa katihan.
4 Ihahagis ka sa gitna ng parang. Pababayaan kong kainin ka ng mga ibon at hayop.
5 Ang iyong mga laman ay ikakalat sa kabundukan. Ang mga libis ay mapupuno ng iyong bangkay.
6 Ang lupain, kabundukan at mga batis ay matitigmak ng iyong dugo.
7 Sa pagpapaalis ko sa iyo, tatakpan ko ang kalangitan. Tatakpan ko ng makapal na ulap ang mga bituin. Gayon din ang araw; at ang buwan ay hindi na magliliwanag.
8 Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman.
9 “Maraming bansa ang magúgulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala.
10 Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.”
11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa hari ng Egipto: “Lulusubin ka ng hari ng Babilonia.
12 Ang mga mamamayan mo ay ipapapatay ko sa mga kawal ng malulupit na bansa. Lilipulin nila ang iyong mamamayan at sisirain ang mga bagay na ipinagmamalaki mo.
13 Papatayin ko ang lahat ng hayop mo sa baybay tubig upang wala nang bumulabog dito.
14 Sa gayon ay lilinaw ang mga tubig nito at aagos na ito nang payapa.
15 Kapag ikaw ay ganap ko nang nawasak at napatay ko na ang lahat ng iyong mamamayan, makikilala mong ako si Yahweh.
16 Ang babalang ito ay magiging awit ng panaghoy. Aawitin ito ng kababaihan para sa buong Egipto. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
17 Noong ika-15 araw ng unang buwan ng ika-12 taon ng pagkabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh,
18 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang mga mamamayan ng Egipto, kasama ng mga bansang makapangyarihan. Ihagis mo sila sa walang hanggang kalaliman upang masama sa mga naroon na.
19 Sabihin mo sa kanila,“Hindi kayo nakahihigit sa iba.Ihuhulog din kayo sa walang hanggang kalaliman,kasama ng mga makasalanan.
20 “Mamamatay ang mga Egipcio, tulad ng mga namatay sa digmaan. Handa na ang tabak na papatay sa kanila.
21 Sila ay buong galak na tatanggapin sa daigdig ng mga patay ng mga bayaning Egipcio at lahat ng nakipaglaban sa panig ng Egipto. Sasabihin nila, ‘Narito na ang mga makasalanang kawal na napatay sa labanan; mamamahinga na ring tulad natin.’
22 “Naroon ang Asiria, napapaligiran ng mga libingan ng kanyang mga tauhan na pawang namatay sa digmaan.
23 Ang puntod niya'y naroon sa kaloob-looban ng walang hanggang kalaliman, napapaligiran ng kanyang mga kawal na napatay sa labanan. Naghasik sila ng takot sa daigdig noong sila'y nabubuhay pa.
24 “Naroon ang Elam na napapaligiran ng kanyang mga kasamahan na pawang namatay sa digmaan. Dati'y kinatatakutan sila sa daigdig ngunit ngayon sila'y nasa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga nauna na roon.
25 Siya'y kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan, napapaligiran ng puntod ng kanyang mga tauhan. Naghasik sila ng takot sa ibabaw ng daigdig at ngayo'y inilagay sila sa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman kasama ng iba pang napatay sa digmaan.
26 “Naroon ang Meshec at Tubal na napapaligiran ng kanilang mga tauhang hindi tuli na pawang napatay sa digmaan, sapagkat nagpunla sila ng takot sa ibabaw ng daigdig.
27 Hindi sila pinarangalan tulad ng mga bayaning nauna sa kanila sa daigdig ng mga patay. Ang mga bayaning iyon ay inilibing na suot ang kanilang kagayakang pandigma at nasa ulunan ang tabak. Sila ay kinatakutan noong nabubuhay.
28 Gayon mamamatay ang mga Egipcio, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.
29 “Naroon ang Edom, ang mga hari nito at mga pinuno. Sa kabila ng kanilang tinaglay na kapangyarihan, naroon sila ngayon sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.
30 “Naroon ang mga pinunong taga-hilaga at lahat ng taga-Sidon. Inilagay rin sila sa kahihiyan dahil sa takot na inihasik nila bunga ng kanilang kapangyarihan. Kasama sila sa walang hanggang kalaliman ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.
31 “Kapag nakita sila ng Faraon, makadarama siya ng kasiyahan, pagkat siya man at ang kanyang buong hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak.
32 Hinayaan ko ang hari ng Egipto na magpunla ng sindak sa mga buháy. Ngunit mamamatay din siya at ang lahat niyang kawal at masasama sa mga hindi tuli na napatay sa digmaan. Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito.”