1 Sinabi sa akin ni Yahweh:
2 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagama't ang totoo'y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos.
3 Akala mo'y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo'y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim.
4 Sa dunong mo't kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto.
5 Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka.
6 Kaya naman ito ang ipinapasabi ng Diyos na si Yahweh: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili,
7 ipapalusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan.
8 Ihuhulog ka niya sa walang hanggang kalaliman, papatayin at ihahagis sa pusod ng dagat.
9 Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Doon mo malalamang ikaw pala ay tao lang at may kamatayan.
10 Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
11 Sinabi sa akin ni Yahweh:
12 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan.
13 Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo.
14 Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang.
15 Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan.
16 Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang.
17 Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa.
18 Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan. Kaya ipinatupok kita sa apoy. Nilamon ka nga nito at nakita ng lahat na ikaw ay naging abo.
19 Katapusan mo na. Mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng bansang nakakakilala sa iyo ay takot na takot na matulad sila sa iyong sinapit.”
20 Sinabi sa akin ni Yahweh,
21 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa Sidon at magpahayag laban sa kanya.
22 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sidon, ako ay kaaway mo. Pupurihin ako ng mga tao dahil sa gagawin ko sa iyo. Pagkatapos kong parusahan ang lahat ng naninirahan sa iyo, makikilala nilang ako si Yahweh at ipapakita ko na ako ay banal.
23 Padadalhan kita ng mga sakit. Ang mga lansangan mo ay matitigmak ng dugo. Sa kabi-kabila, patay ang makikita dahil sa pagkumpay ng tabak nang walang pakundangan at makikilala ninyong ako si Yahweh.”
24 Sinabi ni Yahweh, “Alinman sa mga bansang humahamak noon sa Israel ay hindi na magiging tinik na magpapahirap sa kanya. Kung magkagayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
25 Ipinapasabi pa ng Panginoong Yahweh: “Kapag natipon ko nang muli ang Israel mula sa iba't ibang panig ng daigdig, malalaman ng lahat ng bansa na ako ay banal. Sila'y maninirahan na sa kanilang tunay na lupain, sa lupaing itinalaga ko sa aking lingkod na si Jacob.
26 Doon, magtatayo sila ng kanilang tahanan at magtatanim ng mga halaman. Payapa silang makakapanirahan doon matapos kong parusahan ang mga karatig-bansa na humamak sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”