1 Sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Ezekiel, anak ng tao, ito ang sabihin mo sa iyong mga kababayan: Kapag ipinasasalakay ko ang isang bayan, sila ay kailangang pumili ng isang bantay.
3 Kapag natanawan nito ang sasalakay sa kanila, hihipan niya ang trumpeta bilang babala sa mga tao.
4 Sinumang makarinig sa babala ngunit nagsawalang-bahala at napatay ng mga kaaway, walang pananagutan ang bantay sa kanilang kamatayan.
5 Kasalanan na nila kung mamatay sila sapagkat hindi nila pinansin ang babala; maliligtas sana sila kung sila'y nakinig.
6 Ngunit kung hindi hinipan ng bantay ang trumpeta pagkakita niya sa mga sasalakay at may napatay na kanyang kababayan, ito ay pananagutan niya.
7 “Ikaw, Ezekiel, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala.
8 Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaalam sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan.
9 Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”
10 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay.
11 Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan.
12 Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya.
13 Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa.
14 Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay,
15 tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay.
16 Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya.
17 “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama.
18 Mamamatay ang matuwid na magpakasama
19 ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay.
20 Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.”
21 Nang ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, isang pugante mula sa Jerusalem ang nagsabi sa akin, “Wasak na ang Jerusalem.”
22 Umaga nang dumating sa akin ang balita. Noong gabi bago ito dumating, nadama ko ang kamay ni Yahweh. Hinipo niya ang aking bibig at ako'y nakapagsalita.
23 Sinabi sa akin ni Yahweh,
24 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga naninirahan sa wasak na lunsod ng Israel na nag-iisa si Abraham nang ibigay sa kanya ang lupaing ito. Ngayong marami na sila ay kanila na ang lupaing iyon.
25 Sabihin mong ipinapasabi ko: Kumain kayo ng karneng may dugo, sumamba sa mga diyus-diyosan, at pumatay ng tao; sa kabila ba nito'y inaasahan pa ninyong mapapasa-inyo ang lupaing ito?
26 Nanalig kayo sa talim ng tabak, gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay at sinipingan ang asawa ng inyong kapwa; sa kabila ba nito'y inaasahan pa rin ninyong kamtin ang lupain?
27 Sabihin mong ipinapasabi ko na papatayin sa tabak ang lahat ng naninirahan sa wasak na lunsod. Ipalalapa naman sa mga hayop ang nasa kaparangan, at papatayin sa salot ang mga nasa tanggulan at mga taguan.
28 Sisirain ko ang buong lupain, at aalisin ang kapangyarihang ipinagmamalaki nila. Ang matataas na lugar ng Israel ay gagawin kong dakong mapanglaw anupa't ni walang magnanais dumaan doon.
29 Kung mawasak ko na ang buong lupain dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain, makikilala nilang ako si Yahweh.”
30 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nagsasama-sama ang iyong mga kababayan at pinag-uusapan ka sa mga baybay pader at mga pintuan. Sinasabi nila sa isa't isa, ‘Halikayo at tingnan natin kung ano ang ipinapasabi ni Yahweh.’
31 Sama-sama nga silang pupunta sa iyo upang pakinggan ka ngunit hindi naman nila isasagawa ang kanilang maririnig. Pupurihin nila ang iyong sinasabi ngunit kasakiman din ang maghahari sa kanila.
32 Ituturing ka lamang nilang isang mahusay na mang-aawit at batikang manunugtog. Makikinig sila sa iyo ngunit di naman isasagawa ang kanilang maririnig.
33 Kapag nangyari na ang sinasabi mo sapagkat tiyak namang mangyayari, malalaman nilang may isang propeta ngang nagsabi nito sa kanila.”