1 Noong ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo ang hari ng Egipto. Magpahayag ka laban sa kanya at sa buong Egipto.
3 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, hari ng Egipto. Ikaw na malaking buwayang nagbabad sa tubig. Ikaw na nagsasabing ang Ilog Nilo ay iyo pagkat ikaw ang gumawa nito.
4 Kakawitin ko ang panga mo. Kakapit sa kaliskis mo ang mga isdang kasama mo, at iaahon kita sa tubig, kasama ang mga isdang nakakabit sa iyo.
5 Ihahagis kita sa ilang, pati ang mga isdang kasama mo sa batis. Ihahagis ko nga kayo sa gitna ng bukid. At hindi kayo titipunin, ni ililibing. Hahayaan kitang kainin ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid.
6 “Sa gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel.
7 Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito.
8 Kaya padadalhan kita ng tabak upang puksain ang mga mamamayan mo't mga hayop.
9 Ang buong Egipto ay matitiwangwang at mawawalan ng kabuluhan. Sa gayon makikilala ninyong ako si Yahweh.“Sinabi mong iyo ang Ilog Nilo sapagkat ikaw ang gumawa niyon.
10 Dahil diyan, laban ako sa iyo at sa iyong Ilog Nilo. Ititiwangwang ko ang buong Egipto at gagawin kong walang kabuluhan, mula sa Migdal hanggang Sevene at sa mga hangganan sa Etiopia.
11 Sa loob ng apatnapung taon, walang tao o hayop na tutuntong dito ni titira.
12 Gagawin ko itong pinakamapanglaw sa lahat ng lupain at ang mga lunsod ay apatnapung taon kong pananatilihing isang lugar na pinabayaan. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bansa.”
13 Ipinapasabi ni Yahweh: “Pagkaraan ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga Egipcio mula sa lugar na pinagtapunan ko sa kanila.
14 Ibabalik ko sa kanila ang dati nilang kabuhayan, pati ang dati nilang lupain sa katimugan. Doon, sila'y magiging isang mahinang kaharian.
15 Siya'y magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian, at kailanma'y hindi siya makahihigit sa iba, pagkat pananatilihin ko silang kakaunti.
16 Hindi na muling aasa sa kanya ang Israel sapagkat maaalala niya na masama ang ginawa niyang paghingi ng tulong sa Egipto. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
17 Noong unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon ng aming pagkakabihag, sinabi ni Yahweh sa akin:
18 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kawal-Babilonia ay pinahirapang mabuti ng hari nilang si Nebucadnezar laban sa Tiro. Nakalbo na silang lahat sa kabubuhat sa ulo ng mga kagamitan at nagkalyo ang kanilang mga balikat sa kapapasan ngunit wala ring napala.
19 Kaya, ipapasakop ko sa kanya ang Egipto upang samsamin ang kayamanan nito bilang sweldo ng kanyang mga kawal.
20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang kabayaran ng kanyang pagod sa paglilingkod niya sa akin.
21 Kapag nangyari na ang mga ito, palalakasin ko ang Israel, at ikaw, Ezekiel, ang gagawin kong tagapagsalita. Papakinggan ka ng lahat at sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”