1 Sinabi sa akin ni Yahweh,
2 “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propeta ng Israel sapagkat ang ipinapahayag nila sa mga tao ay sarili nilang kaisipan at hindi mula sa akin. Sabihin mo sa kanilang makinig sa mensahe ni Yahweh!”
3 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kaawa-awa ang kalagayang sasapitin ng mga propetang nagpapahayag ng sariling kaisipan at hindi ang mula sa akin.
4 Bayang Israel, ang iyong mga propeta ay parang mga alamid sa mga pook ng lagim.
5 Hindi nila ginawa ang sirang bahagi ng pader ng sambahayan ni Israel para ito'y manatiling nakatayo sa araw ni Yahweh.
6 Pawang kasinungalingan ang ipinahayag nila. Ang pahayag nila'y, ‘Sinasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko sila sinusugo. Sa kabila noon, inaasam nilang pangyayarihin ko ang kanilang ipinahayag.
7 Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang pahayag sapagkat sabi nila'y ipinapasabi ko iyon bagama't wala akong sinasabing ganoon.”
8 Kaya't ipinapasabi sa kanila ng Panginoong Yahweh: “Huwad ang inyong pangitain at kasinungalingan ang inyong pahayag. Ako'y laban sa inyo.
9 Paparusahan ko ang mga propetang may huwad na pangitain at nagpapahayag ng kasinungalingan. Hindi sila mapapabilang sa lupong sanggunian ng aking bayan o sa aklat-talaan ng bayan ng Israel. Hindi na kayo makakapasok muli sa lupaing ito. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.
10 Dinadaya ninyo ang aking bayan. Sinasabi ninyong, ‘Payapa ang lahat’ gayong wala namang kapayapaan. At kapag may nagtatayo ng mahinang pader, tinatapalan ninyo ito ng kalburo.
11 Sabihin mo sa kanila na guguho ang pader na iyon sapagkat bubuhos ang malakas na ulan, babagyo ng yelo at magpapadala ako ng unos.
12 At pagbagsak ng pader na iyon, itatanong sa inyo kung nasaan ang inyong itinapal.”
13 Kaya, ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dahil sa aking galit, magpapadala ako ng unos. Dahil sa tindi ng aking poot, ibubuhos ko ang malakas na ulan. Dahil sa laki ng aking galit, magpapaulan ako ng yelo upang sirain ang pader na iyon.
14 Ang pader na inyong tinapalan ng kalburo ay iguguho ko hanggang sa pundasyon nito. Pagguho nito, matatabunan kayo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.
15 Ang matinding galit ko'y ibubuhos ko sa pader na iyon at sa mga nagtapal niyon. Pagkatapos, sasabihin kong wala na ang pader pati ang mga nagtapal niyon.
16 Ang mga nagtapal ng pader ay ang mga propeta ng Israel na nagsabing maayos ang lahat sa Jerusalem ngunit kabaligtaran ang nangyari.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.
17 Ang sabi ni Yahweh, “Ngayon, Ezekiel, magpahayag ka laban sa mga kababayan mong babae na nagpahayag ayon sa kanilang sariling isipan.
18 Ganito ang sabihin mo sa kanila: Kahabag-habag ang mga babaing bumibihag sa kalooban ng mga tao sa pamamagitan ng pulseras nila sa kamay at belo sa ulo ayon sa lahi ng tao. Binibihag ba ninyo ang kalooban ng aking bayan para sa inyong kapakinabangan?
19 Ginawan ninyo ako ng malaking kalapastanganan sa harap ng aking bayan sa pamamagitan ng kaunting harina at ng durog na tinapay. Sa pamamagitan ng inyong pagsasabi ng kasinungalingan sa mga mahilig makinig ng kasinungalingan, pinapatay ninyo ang dapat mabuhay at binubuhay ang dapat mamatay.”
20 Kaya nga ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Nasusuklam ako sa mga pulseras ninyong may salamangka para mabihag ang kalooban ng mga tao. Hahablutin ko iyan sa inyong mga kamay, at palalayaing tulad ng ibon ang isipan ng mga taong nabihag ninyo.
21 Hahaltakin ko rin ang inyong mga belo, at palalayain ko ang aking bayan mula sa inyong kapangyarihan. Hindi na ninyo sila masasakop. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.
22 Tinakot ninyo ang mga matuwid dahil sa inyong kasinungalingan at pinalakas ninyo ang loob ng masasama para lalong magpatuloy sa kanilang kasamaan.
23 Kaya naman, hindi na ninyo makikita ang huwad ninyong pangitain at hindi na ninyo magagawang magpahayag ng inyong mga kasinungalingan. Ililigtas ko mula sa inyong kapangyarihan ang aking bayan, at malalaman ninyong ako si Yahweh.”