1 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Gog. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pangunahing pinuno ng Meshec at Tubal.
2 Babaligtarin kita, at mula sa dulong hilaga ay itataboy sa kabundukan ng Israel.
3 Pagkatapos, aagawin ko ang pana at mga palaso sa iyong mga kamay.
4 Ikaw at ang iyong buong hukbo ay malilipol sa kabundukan ng Israel, pati ang makapal mong tauhan. Ang inyong mga bangkay ay pababayaan kong kanin ng mga ibon at lapain ng mababangis na hayop.
5 Sinasabi kong mabubuwal ka sa kaparangan.
6 Lilikha ako ng sunog sa Magog at sa baybayin ng dagat, ang lugar na hindi dating nakakaranas ng gulo. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.
7 Ipapakilala ko ang aking pangalan sa gitna ng bayan kong Israel at di ko na pababayaang malapastangan ito. Sa gayo'y makikilala ng lahat ng bansa na ako si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.”
8 Sinabi ni Yahweh, “Dumarating na ang araw ng kaganapan ng mga bagay na ito.
9 Pagkaganap ng mga bagay na ito, ang mga taga-lunsod ay lalabas ng bayan upang gawing panggatong ang makapal na gamit pandigma: pananggalang, pana, palaso, punyal, at sibat. Ang daming ito ay magiging sapat na panggatong sa loob ng pitong taon.
10 Hindi na sila kailangang mangahoy sa bukid o sa gubat. Ang mga sandatang iyon na ang kanilang igagatong. Ang mangyayari, sasamsaman nila ang sana'y mananamsam sa kanila. Ang Panginoong Yahweh ang maysabi nito.”
11 Sinabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, ang Gog ay bibigyan ko ng isang libingan sa Israel, ang Libis ng Manlalakbay, sa silangan ng Dagat na Patay. Doon siya ililibing kasama ang makapal na taong kasama niya. Ang libingang ito'y tatawaging Libis ng Hukbo ng Gog, at lilihisan ng mga manlalakbay.
12 Sa paglilibing lamang sa kanila, mauubos ang pitong buwan bago mailibing ng mga Israelita ang lahat ng bangkay.
13 Lahat ng tutulong sa paglilibing ay pararangalan sa araw ng aking tagumpay. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
14 Pagkaraan ng pitong buwan, magtatalaga kayo ng isang pangkat upang patuloy na maghanap at maglibing sa mga kalansay na hindi pa naililibing para malinis nang lubusan ang lupain.
15 Sinuman sa kanila ang makakita ng kalansay, lalagyan niya iyon ng tanda hanggang hindi nadadala sa pinaglibingan kay Gog at sa kanyang mga kasama.
16 (Isang malapit na bayan ay tatawaging Ang Hukbo ni Gog.) Gayon ang gagawin ninyo upang ganap na malinis ang lupain.”
17 Sinabi ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito naman ang sabihin mo sa lahat ng uri ng ibon at hayop: ‘Halikayo at magpakabusog sa handog na itong inihanda ko sa inyo, isang malaking handa sa mga bundok ng Israel. Magpakabusog kayo sa laman at dugo.
18 Kanin ninyo ang laman ng mga mandirigma at inumin ang dugo ng mga pinuno ng daigdig. Ito ay siya ninyong pinakatupang lalaki, kordero, kambing, toro, at baka.
19 Magsasawa kayo sa taba at malalango sa dugo dito sa maraming handog na inilaan ko sa inyo.
20 Sa hapag ko'y mabubusog kayo sa kabayo at mandirigmang sakay nito at sa lahat ng uri ng kawal.’ Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
21 Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya.
22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.
23 At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin.
24 Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.”
25 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan.
26 Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila.
27 At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal.
28 Sa gayon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos sapagkat itinapon ko sila sa lahat ng panig ng daigdig at pagkatapos ay muling tinipon sa sarili nilang lupain. Titipunin ko silang lahat at walang matitira isa man sa ibang bansa.
29 Ibubuhos ko sa Israel ang aking Espiritu at hindi ko na sila tatalikuran. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”