Ezekiel 37 MBB05

Ang Libis na Puno ng Kalansay

1 Nadama ko ang kapangyarihan ni Yahweh at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay dinala niya ako sa isang libis na puno ng kalansay.

2 Inilibot niya ako sa lugar na puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na.

3 Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.”

4 Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh.

5 Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay.

6 Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

7 Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako'y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay.

8 Nakita kong sila'y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga.

9 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay.”

10 Nagpahayag nga ako at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.

11 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’

12 Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan.

13 Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh.

14 Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Ang Pahayag Tungkol sa Pagkakaisa ng Juda at ng Israel

15 Sinabi sa akin ni Yahweh,

16 “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang putol na kahoy at sulatan mo ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo naman ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’

17 Pagkaraan noon, pagdugtungin mo ito na parang iisa ang hawak mo.

18 Kapag itinanong nila kung ano ang kahulugan noon,

19 sabihin mong ipinapasabi ko na darating na ang panahon at ang kaputol na kahoy na kumakatawan sa Israel ay isasama ko sa kaputol na kahoy na kumakatawan sa Juda upang sila'y maging isa na lang.

20 Kailangang nakikita nilang hawak mo ang mga putol ng kahoy na iyong sinulatan

21 habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan.

22 Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian.

23 Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos.

24 Isang tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin.

25 Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman.

26 Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo.

27 Ako'y maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko.

28 At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48