1 Lumabas kami sa pinto ng templo, sa pinto sa gawing silangan. Pagkalabas namin, sumara ito nang kusa.
2 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mananatiling nakasara ang pintong ito. Walang dadaan dito sapagkat ito'y dinaanan ni Yahweh.
3 Ang pinuno lamang ng Israel ang maaaring kumain sa hapag ni Yahweh; siya ay papasok sa tarangkahan patungo sa gawing dulo; doon din siya lalabas.”
4 Dinala ako ng lalaki sa may pintuan sa gawing hilaga, sa may harap ng templo, at nakita kong ito'y nagliliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ako'y sumubsob sa lupa.
5 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo at tandaang mabuti itong mga tuntuning sasabihin ko sa iyo tungkol sa templo ni Yahweh. Tandaan mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok dito at ang hindi.
6 Sabihin mo sa sambahayang yaon na matigas ang ulo, sa sambahayan ni Israel: Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Diyos: Sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang kasuklam-suklam ninyong gawain.
7 Ang mga dayuhan, mga taong may maruruming puso at isipan ay pinahihintulutan ninyong pumasok sa aking templo; sa gayo'y nasasalaula ito. Nangyayari ito sa inyong paghahandog sa akin ng pagkain, taba at dugo. Sinira ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong kasuklam-suklam na gawain.
8 Sa halip na kayo ang mangalaga sa mga bagay na itinalaga sa akin, ipinaubaya ninyo sa ibang tao.
9 “Mula ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo na walang taga-ibang bayang may maruming puso at hindi tuli ang maaaring pumasok sa aking templo, kahit na ang mga ito'y kasamang namamahay ng mga Israelita.
10 Ang mga Levita na tumalikod sa akin at nalulong sa pagsamba sa diyus-diyosan ay paparusahan ko.
11 Gayunman, sila pa rin ang maglilingkod sa aking templo at magbabantay sa mga pintuan nito. Sila pa rin ang gagawa ng mga dapat gawin sa loob ng templo. Sila rin ang magpapatay at maghahandog ng mga haing susunugin ng mga mamamayan, at maglilingkod sa akin para sa mga tao.
12 Ang mga paring ito ay naglingkod sa mga diyus-diyosan, anupa't naging dahilan ng kasamaan ng sambahayan ng Israel, kaya naman isinusumpa kong sila'y aking paparusahan.
13 Hindi sila makakalapit sa akin, ni makakapaglingkod bilang mga pari. Hindi rin sila maaaring lumapit sa mga dakong itinalaga sa akin. Sa gayon, malalagay sila sa kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain.
14 Gagawin ko na lamang silang katulong sa ibang gawain sa loob ng templo.”
15 “Ang mga paring Levita lamang na mula sa angkan ni Zadok ang maaaring lumapit sa akin at maglingkod nang tuwiran, sapagkat sila ang patuloy na nangalaga sa aking templo nang talikuran ako ng Israel. Kaya naman, sila lamang ang maaaring maghandog sa akin ng pagkain, taba at dugo,” sabi ni Yahweh.
16 “Sila lamang ang papasok sa aking templo at lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at magsakatuparan ng aking iniuutos.
17 Telang lino ang kasuotan nila pagpasok pa lamang sa patyo. Huwag silang magsusuot ng anumang yari sa lana habang sila'y naglilingkod sa loob ng patyong ito.
18 Telang lino rin ang gagamitin nilang turbante, gayon din ang salawal. Huwag silang magbibigkis para hindi sila pawisan.
19 Bago sila humarap sa mga tao sa patyo sa labas, huhubarin muna nila ang kasuotan sa paglilingkod sa Diyos. Itatago ito sa sagradong silid, saka magbibihis ng iba upang ang kabanalan ng kasuotang iyon ay hindi makapinsala sa mga mamamayan.
20 Huwag silang magpapakalbo ngunit huwag namang gaanong magpapahaba ng buhok; ito ay kanilang gugupitin sa katamtamang haba.
21 Huwag silang iinom ng alak kung sila ay papasok sa patyo sa loob.
22 Huwag silang mag-aasawa ng babaing pinalayas at hiniwalayan ng asawa, ni sa balo liban na lamang kung balo ng isa ring pari. Ang kukunin nilang asawa ay isang Israelitang hindi pa nasisipingan o kaya'y balo ng kapwa nila pari.
23 Ituturo nila sa mga tao kung ano ang pagkakaiba ng itinalaga kay Yahweh at ng hindi. Ituturo rin nila kung paano ang pagkilala sa malinis at sa marumi ayon sa tuntunin.
24 Kung may hidwaan ang mga mamamayan, sila ang hahatol ayon sa kanilang kaalaman sa usapin. Isasagawa nila sa takdang panahon ang lahat ng aking mga tuntunin at Kautusan. Patuloy rin nilang susundin ang mga tuntunin ukol sa Araw ng Pamamahinga.
25 Huwag silang lalapit sa kaninumang bangkay liban sa ama, ina, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga, upang hindi sila ituring na marumi ayon sa Kautusan.
26 Pagkatapos niyang isagawa ang tuntunin ng paglilinis makaraang marumihan siya ng bangkay, bibilang pa siya ng pitong araw bago ibilang na malinis ayon sa Kautusan.
27 At pagpasok niya sa patyo sa loob upang maglingkod sa Banal na Dako, maghahandog siya ng kanyang handog para siya luminis at makapaglingkod muli sa templo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
28 “Ang mga pari ay hindi kasama sa partihan sa lupain; ako mismo ang kanilang pinakamana. Hindi sila bibigyan ng anumang ari-arian sa Israel, ako ang kanilang pinakabahagi.
29 Ang ikabubuhay nila ay ang handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pambayad ng kasalanan. Tatanggap sila mula sa lahat ng handog na iniaalay ng mga Israelita sa akin.
30 Ang pinakamainam sa mga unang bunga at lahat ng handog ng Israel ay mauukol sa mga pari, gayon din ang pinakamasarap ninyong pagkain. Sa gayon, patuloy ko kayong pagpapalain.
31 Ang mga pari ay hindi kakain ng anumang hayop o ibon na kusang namatay o nilapa ng mailap na hayop.”