1 Sumigaw si Yahweh, “Halikayo, mga itinalaga upang magpahirap sa lunsod. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.”
2 Mula sa pintuan sa hilaga ay pumasok ang anim na taong tigi-tig-isa ng sandata. May kasama silang nakasuot ng kayong lino at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa may altar na tanso.
3 Noon, ang kaluwalhatian ni Yahweh na nasa pagitan ng mga kerubin ay tumaas papunta sa pasukan ng Templo. Tinawag niya ang lalaking nakadamit ng telang lino at may panulat sa baywang.
4 Sinabi niya rito, “Libutin mo ang lunsod ng Jerusalem at lagyan mo ng tatak sa noo ang lahat ng nagdalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa roon.”
5 Sa iba naman ay narinig kong sinabi niya, “Sumunod kayo sa kanya at patayin ninyo ang mga tagaroon. Huwag kayong magtitira
6 maliban sa mga may tanda sa noo. Patayin ninyong lahat ang mga tagaroon: matanda, binata, dalaga, babae at bata. Umpisahan ninyo sa santuwaryo.” Inuna nga nilang patayin ang matatandang pinuno ng bayan sa harap ng bahay.
7 Sinabi niya sa kanila, “Parumihin ninyo ang Templo at punuin ninyo ng bangkay ang patyo. Sige, umpisahan n'yo na!” Lumakad nga sila at pumatay nang pumatay sa lunsod.
8 Ako'y naiwang mag-isa.Habang pumapatay sila, nagpatirapa ako at nanangis. Sinabi ko, “Panginoong Yahweh, aking Diyos, dahil ba sa galit mo sa Jerusalem ay uubusin mo ang nalalabing Israelita?”
9 Sinabi niya sa akin, “Napakalaki ng pagkakasala ng Israel at ng Juda. Dumadanak ang dugo sa lupain. Nawawala ang katarungan. Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita sapagkat umalis na ako sa lupain.
10 Kaya, pagbabayarin ko sila sa ginagawa nila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila.”
11 At bumalik ang lalaking nakasuot ng telang lino, at sinabi kay Yahweh, “Nagawa ko na po ang ipinagagawa ninyo sa akin.”