1 Noon ay ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon ng aming pagkabihag. Lumapit sa akin ang ilan sa pinuno ng Israel upang sumangguni kay Yahweh.
2 Nang isangguni ko sila, sinabi naman sa akin ni Yahweh,
3 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa kanilang ipinapatanong ko kung naparito sila upang sumangguni sa akin. Ako ang Diyos na buháy. Sabihin mong huwag silang sasangguni sa akin.
4 Ikaw ang humatol sa kanila. Ikaw na ang magsabi sa kanila ng mga kasuklam-suklam na gawain ng kanilang mga ninuno.
5 Sabihin mong ipinapasabi ko na noong piliin ko ang Israel, ako'y nangako sa kanila. Nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto na akong si Yahweh ang magiging Diyos nila.
6 Ipinangako kong iaalis ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing inilaan ko sa kanila, isang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, at pinakamainam sa buong daigdig.
7 Sinabi ko sa kanila noon na talikuran nila ang mga diyus-diyosan ng Egipto at huwag nilang sambahin ang mga iyon sapagkat ako ang Diyos nilang si Yahweh.
8 Ngunit hindi nila ako sinunod, hindi nila ako pinakinggan. Hindi nila tinalikuran ang kasuklam-suklam na mga bagay na iyon ni iniwan ang mga diyus-diyosan ng Egipto.“Binalak ko sanang ibuhos na sa kanila ang aking matinding poot noong nasa Egipto pa sila.
9 Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga karatig-bansa ng Israel, mga bansang ninanasa kong makakita sa gagawin kong pag-aalis ng Israel sa Egipto.
10 Inialis ko nga sila roon at dinala sa ilang.
11 Doon, ibinigay ko sa kanila ang Kautusan at mga tuntuning dapat nilang sundin upang sila'y mabuhay.
12 Ibinigay ko rin sa kanila ang mga tuntunin para sa Araw ng Pamamahinga para maalala nila na akong si Yahweh ang nagpapabanal sa kanila.
13 Ngunit maging sa ilang ay naghimagsik sila sa akin, hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Ang Kautusan kong dapat sundin upang mabuhay sila ay kanilang tinanggihan, bagkus nilapastangan pa nila ang Araw ng Pamamahinga.“At binalak ko na noong iparanas sa kanila ang matinding galit ko para malipol na sila.
14 Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa Israel.
15 At doon sa ilang, isinumpa kong hindi sila dadalhin sa lupaing ipinangako ko sa kanila, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay,
16 sapagkat tinalikuran nila ang aking Kautusan. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin, at hindi nila iginalang ang Araw ng Pamamahinga; sila'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan.
17 Gayunman, kinahabagan ko sila, at hindi nilipol.
18 “At sinabi ko sa kanilang mga anak na huwag nilang tutularan ang masamang pamumuhay ng kanilang mga ninuno, ni susundin ang ginawa nilang mga tuntunin at huwag sasamba sa mga diyus-diyosan.
19 Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. Sinabi kong lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin, at sunding mabuti ang aking Kautusan,
20 at pahalagahan nila ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang mag-uugnay sa kanila at sa akin, at sa ganito'y makikilala nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.
21 Ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin ni sumunod sa aking Kautusan na kung sundin ng tao ay magdudulot sa kanya ng buhay. Hindi rin nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga.“At inisip ko na namang ibuhos sa kanila ang aking matinding poot.
22 Ngunit hindi ko rin itinuloy ito upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa kanila.
23 At sa ilang, isinumpa kong pangangalatin sila sa iba't ibang bansa,
24 sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin at Kautusan, hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga, at nahumaling sila sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno.
25 Kaya't binigyan ko sila ng mga tuntuning hindi magdudulot sa kanila ng buhay.
26 Hinayaan ko na silang mahumaling sa paghahandog sa kanilang mga diyus-diyosan. Binayaan kong ihandog nila pati ang kanilang mga panganay upang sila mismo'y mangilabot. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.
27 “Kaya, Ezekiel, sabihin mo sa kanila na ito ang ipinapasabi ni Yahweh na kanilang Diyos: Minsan pa'y nilapastangan ako at pinagtaksilan ng inyong mga ninuno.
28 Nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, naghandog sila sa mga altar sa mga burol at sa ilalim ng malalagong punongkahoy. Doon sila nagsunog ng kanilang mga handog na siyang dahilan ng pagkapoot ko sa kanila. Doon din nila dinala ang mga handog na inumin.
29 Itinanong ko sa kanila, ‘Ano bang klaseng altar ang pinaghahandugan ninyo sa mga burol? Hanggang ngayon ang matataas na lugar na yaon ay tinatawag na Bama.’
30 Sabihin mo rin sa kanila, ‘Ipinapasabi ni Yahweh: Gagawin din ba ninyo ang kasuklam-suklam na gawain ng inyong mga ninuno?
31 Hanggang ngayo'y naghahain kayo ng mga handog tulad ng inihain nila at sinunog ang inyong mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosan. Bakit ngayon ay sasangguni kayo sa akin? Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy; huwag kayong makasanggu-sangguni sa akin.’
32 “Hindi mangyayari ang iniisip ninyong pagtulad sa ibang bansa, at pagsamba sa diyus-diyosang kahoy at bato.”
33 “Isinusumpa ko,” sabi ni Yahweh, “na gagamitan ko kayo ng kamay na bakal; paparusahan ko kayo at ibubuhos ko sa inyo ang aking matinding poot.
34 Ipapakita ko sa inyo ang aking kapangyarihan. Titipunin ko kayo mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo,
35 at dadalhin sa gitna ng mga bansa upang doon parusahan.
36 Kung ano ang ginawa ko sa inyong mga magulang nang sila'y nasa ilang ng Egipto, gayon ang gagawin ko sa inyo.
37 Susupilin ko kayo para sundin ninyo ang aking tipan.
38 Ihihiwalay ko ang mga mapaghimagsik at makasalanan. Iaalis ko nga sila sa lupaing pinagtapunan ko sa kanila ngunit hindi sila makakapanirahan sa Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
39 Sinabi ni Yahweh, “Bayan ng Israel, kung ayaw ninyong makinig sa akin, huwag! Sumamba na kayo sa inyong mga diyus-diyosan hanggang gusto ninyo. Ngunit darating ang araw na hindi na ninyo ako lalapastanganin. Hindi na kayo maghahandog sa inyong mga diyus-diyosan.
40 “Ako'y sasambahin ng buong Israel sa bundok na itinalaga ko,” sabi ni Yahweh. “Doon ninyo ako paglilingkuran. Doon ko kayo pakikiharapan. Doon ko hihintayin ang paghahain ninyo ng mga piling handog.
41 Doon ko tatanggapin ang inyong mga handog pagkatapos ko kayong tipunin mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, at doon ko rin ipapakita sa mga bansa na ako ay banal.
42 At kung madala ko na kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga magulang, makikilala ninyong ako si Yahweh.
43 Doon, maaalala ninyo ang inyong masasamang lakad at gawain. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong sarili.
44 At kung tanggapin ko kayong mabuti at di ko gawin ang nararapat sa inyong masasamang lakad at gawain, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
45 At sinabi sa akin ni Yahweh,
46 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa gawing timog, at magpahayag laban dito at sa kagubatan nito.
47 Sabihin mo sa kagubatan ng timog, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Ipalalamon kita sa apoy. Tutupukin ko ang iyong mga punongkahoy, maging sariwa o tuyo. Di mapapatay ang apoy na ito, at lahat ay masusunog nito, mula sa timog hanggang hilaga.
48 Makikita ng lahat na akong si Yahweh ang sumunog niyon at ang apoy nito'y hindi mapapatay.”
49 Sinabi ko, “Yahweh, huwag mong ipagawa iyan sa akin; baka sabihin nilang ako'y nagsasalita nang hindi nila nauunawaan.”