14 Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
15 Ipinapasabi ni Yahweh sa Tiro: “Ang mga lupain sa baybayin ay mayayanig sa balita ng iyong pagbagsak, sa nakakapangilabot na daing ng mga sugatan, at sa dami ng mamamatay sa iyong mamamayan.
16 Dahil dito, ang mga hari ng mga pulo sa karagatan ay aalis sa kanilang luklukan, maghuhubad ng magagara nilang kasuotan, maglulupasay na nanginginig, at masisindak sa nangyari sa iyo.
17 Aawitin nila para sa iyo ang panaghoy na ito:‘Ang bantog na lunsod ay nawasak,pinalubog sa karagatan ang kanyang mga sasakyang-dagat.Dati, ang mga mamamayan niya ang kinasisindakan sa karagatan.Sila ay naghasik ng takot sa mga bayan sa baybay-dagat.
18 Ngayon, ang lahat ng pulo ay nangingilabot dahil sa kanyang sinapit.Oo, ang mga mamamayan nito'y pawang natatakot dahil sa balita ng kanyang pagkawasak.’”
19 Sapagkat sabi ni Yahweh: “Gagawin kitang pook na mapanglaw, tulad ng isang lugar na walang nakatira.
20 Palulubugin kita sa tubig, tulad ng itinapon sa pusod ng dagat, tulad ng mga namatay noong unang panahon. Pananatilihin kita sa walang hanggang kalaliman para hindi na mapanahanan ninuman.