17 Ang mga binata ng On at Bubastis ay papatayin sa tabak. Ang mga babae naman ay mabibihag.
18 Ang araw ng Tafnes ay magdidilim sa sandaling wakasan ko ang pananakop ng Egipto, at ang kapangyarihan niya'y putulin ko na. Matatakpan siya ng ulap, at mabibihag ang kanyang mamamayan.
19 Ganyan ang parusang igagawad ko sa Egipto. Akong si Yahweh ay makikilala nilang lahat.”
20 Noong ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing isang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh,
21 “Ezekiel, anak ng tao, pipilayin ko ang braso ng hari ng Egipto. Hindi ko ito pagagalingin para hindi na makahawak ng tabak.
22 Ito ang sinasabi ko: Ako'y laban sa hari ng Egipto. Babaliin ko pa ang isa niyang kamay para mabitiwan ang kanyang tabak.
23 Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bayan, ipapatapon sa lahat ng panig ng daigdig.