1 Narito ang mga kawikaan ni Solomon:Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay nagbibigay ng kalungkutan.
2 Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan.
3 Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang mga matuwid, ngunit ipinagkakait naman niya ang hangad ng mga masama.
4 Nagpapahirap ang katamaran, ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman.
5 Ang nag-iimbak ng pagkain kapag anihan ay anak na marunong, ngunit ang anak na laging tulog kapag anihan ay kahiya-hiya.
6 Ang taong matuwid ay pinagpapala; ang bibig ng masamang tao ay nakakapinsala.
7 Ang alaala ng taong matuwid ay mananatili magpakailanman, ngunit ang masamang tao ay makakalimutan.
8 Sumusunod sa mga utos ang taong marunong, ngunit ang nagsasalita ng kamangmangan ay mawawasak.
9 May kapayapaan ang taong namumuhay nang matuwid, ngunit ang masama ang pamumuhay ay malalantad.
10 Ang taong mandaraya ay gulo ang nililikha at ang taong nagsasalita ng kamangmangan ay mapapahamak.
11 Ang salita ng taong matuwid ay makatutulong sa buhay ng iba, ngunit ang mga salita ng taong masama ay makapipinsala.
12 Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan.
13 Nagsasalita ng karunungan ang taong may pang-unawa, ngunit ang walang pang-unawa ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
14 Nagdadagdag ng kaalaman ang taong may karunungan, ngunit ang mga hangal ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
15 Seguridad ng mayaman ang kanyang kayamanan, ngunit kapahamakan naman ng mahirap ang kanyang kahirapan.
16 Ang gantimpala ng matuwid ay maganda at mahabang buhay, ngunit ang gantimpala ng masama ay kaparusahan.
17 Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay mapapabuti at hahaba ang buhay, ngunit ang taong hindi nakikinig ay maliligaw ng landas.
18 Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling, at ang naninira sa kanyang kapwa ay hangal.
19 Ang taong masalita ay madaling magkasala. Ang tao namang marunong ay pinipigilan ang kanyang dila.
20 Ang salita ng matuwid ay mahalaga tulad ng pilak, ngunit ang isip ng masama ay walang kabuluhan.
21 Sa salita ng matuwid marami ang nakikinabang, ngunit ang mga hangal ay mamamatay dahil walang pang-unawa.
22 Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman at hindi niya ito dinadagdagan ng anumang kalungkutan.
23 Ang kaligayahan ng hangal ay ang paggawa ng kasamaan, ngunit ang kaligayahan nang nakakaunawa ay ang mamuhay nang may karunungan.
24 Ang kinatatakutan ng taong masama ay mangyayari sa kanya, ang hinahangad naman ng taong matuwid ay makakamit niya.
25 Kapag dumating ang pagsubok sa buhay na parang bagyo, maglalaho ang taong masama, ngunit mananatiling matatag ang taong matuwid.
26 Ang tamad na kinukunsumi ang kanyang amo ay gaya ng suka na nakakangilo at ng usok na nakakaluha.
27 Ang may paggalang sa Panginoon ay hahaba ang buhay, ngunit ang taong masama ay iigsi ang buhay.
28 Ang pag-asa ng matuwid ay magbibigay ng kaligayahan, ngunit ang pag-asa ng masama ay walang katuparan.
29 Ang pagsunod ng matuwid sa pamamaraan ng Panginoon ay mag-iingat sa kanya, ngunit ang mga suwail dito ay mapapahamak.
30 Ang matuwid ay hindi paaalisin sa kanyang lupain, ngunit ang masama ay paaalisin.
31 Ang bibig ng matuwid ay puno ng karunungan, ngunit ang dila ng sinungaling ay puputulin.