1 Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi.
2 Pagkatapos, nagkaroon siya ng malaking handaan. Naghanda siya ng mga pagkain at mga inumin.
3 At saka inutusan niya ang mga katulong niyang babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan para ipaalam ang ganito:
4 “Kayong mga kulang sa karunungan at pang-unawa, inaanyayahan kayo sa isang malaking handaan.
5 Halikayo, kumain kayo at uminom ng aking inihanda.
6 Iwanan na ninyo ang kamangmangan upang mabuhay kayo nang matagal at may pang-unawa.”
7 Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya.
8 Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya.
9 Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.
10 Ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Dios ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa.
11 Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay.
12 Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan.
13 Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman.
14 Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod,
15 at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho.
16 Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga walang karunungan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa,
17 “Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.”
18 Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.