1 Huwag mong ipagyabang ang gagawin mo bukas, sapagkat hindi mo alam kung anong mangyayari sa araw na iyon.
2 Huwag mong purihin ang iyong sarili; pabayaan mong iba ang sa iyo ay pumuri.
3 Ang buhangin at bato ay mabigat, pero mas mabigat na problema ang idudulot ng taong hangal.
4 Mapanganib ang taong galit, ngunit ang taong seloso ay higit na mapanganib.
5 Mas mabuti ang pagsaway na hayagan, kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapaalam.
6 Ang masakit na pagsaway ng isang kaibigan ay may katuturan, ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan.
7 Kahit pulot ay tinatanggihan ng taong busog, ngunit sa taong gutom kahit pagkaing mapait ay matamis para sa kanya.
8 Ang taong lumayas sa kanyang bahay ay parang ibong lumayas sa kanyang pugad.
9 Ang langis at pabango ay gaya ng tapat na payo ng isang kaibigan na nagdudulot ng kaligayahan.
10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan o ang kaibigan ng iyong ama. At kung nasa kagipitan ka, hindi ka na hihingi ng tulong sa kapatid mo na nasa malayo. Ang malapit na kapitbahay ay mas mabuti kaysa sa malayong kapatid.
11 Anak, magpakatalino ka upang ako ay maging maligaya, at para may maisagot ako sa nagpapahiya sa akin.
12 Ang taong marunong ay umiiwas sa paparating na panganib, ngunit ang taong hangal ay sumusuong sa panganib, kaya siya ay napapahamak.
13 Tiyakin mong makakuha ng garantiya sa sinumang nangakong managot sa utang ng hindi mo kilala, upang matiyak mong mababayaran ka.
14 Kapag ginambala mo ng pasigaw na pagbati ang iyong kaibigan sa umaga, ituturing niya iyong sumpa sa kanya.
15 Ang asawang bungangera ay parang tumutulong bubungan sa panahon ng tag-ulan.
16 Hindi siya mapatigil, tulad ng hanging hindi mapigilan o kaya ng langis na hindi mahawakan.
17 Kung paanong pinatatalas ng bakal ang kapwa-bakal, ang tao namaʼy matututo sa kanyang kapwa-tao.
18 Kapag inalagaan mo ang puno ng igos, makakakain ka ng bunga nito. Ganoon din kapag amo moʼy iyong pinagmamalasakitan, ikaw naman ay kanyang pararangalan.
19 Kung paanong ang mukha ng tao ay naaaninaw sa tubig, ang pagkatao naman ay makikita sa iyong puso.
20 Ang kapahamakan at kamatayan ay walang kasiyahan, gayon din ang hangarin ng tao.
21 Pilak at ginto sa apoy sinusubok, ang tao naman ay nasusubok sa pamamagitan ng papuring kanyang natatanggap.
22 Tadtarin mo man ng parusa ang taong hangal, ang kahangalan niya ay hindi mo pa rin maiaalis sa kanya.
23 Mga hayop mo ay iyong alagaan at bantayang mabuti ang iyong kawan.
24 Sapagkat ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi mamamalagi magpakailanman.
25 Putulin ang mga damo; at habang hinihintay ang muling pagtubo nito, putulin din ang mga damo sa kabundukan, upang may pagkain ang iyong kawan.
26 Mula sa balahibo ng mga tupa ay makakagawa ka ng kasuotan, at maipagbibili mo ang iba mong mga kambing upang may pambili ka ng kabukiran.
27 Mula sa mga kambing, makakakuha ka ng maraming gatas na sapat sa pangangailangan ng iyong pamilya at mga babaeng utusan.