1 Narito pa ang ilang kawikaan ni Solomon na kinopya ng mga tauhan ni Haring Hezekia ng Juda.
2 Pinararangalan natin ang Dios dahil sa mga bagay na hindi niya ipinapahayag sa atin; pero pinararangalan natin ang mga hari dahil sa mga bagay na ipinapahayag nila sa atin.
3 Kung paanong hindi masukat ang lalim ng lupa at ang taas ng kalangitan, ganoon din ang isipan ng mga hari, hindi malaman.
4 Kailangang ang pilak ay maging dalisay muna bago ito magawa ng panday.
5 Kailangang alisin ang masasamang tauhan ng hari upang magpatuloy ang katuwiran sa kanyang kaharian.
6 Kung nasa harapan ka ng hari, huwag mong ibilang ang iyong sarili na parang kung sino ka o ihanay ang iyong sarili sa mararangal na tao.
7 Mas mabuti kung tawagin ka ng hari at paupuin sa hanay ng mararangal kaysa sabihin niyang umalis ka riyan at mapahiya ka sa kanilang harapan.
8 Huwag kang magpabigla-biglang magsabi sa korte ng iyong nakita. Kung mapatunayan ng isang saksi na mali ka, ano na lang ang gagawin mo?
9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, itoʼy inyong pag-usapan muna. At ang lihim ng bawat isa ay huwag sasabihin sa iba.
10 Baka makarating sa kaalaman ng madla at kayoʼy maging kahiya-hiya.
11 Kapag ang salitang binigkas ay angkop sa pagkakataon, itoʼy parang gintong mansanas na nakalagay sa isang lalagyang pilak.
12 Sa taong nakikinig, ang magandang payo ng marunong ay higit na mabuti kaysa sa mga gintong alahas.
13 Ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagbibigay ng kasiyahan sa kanyang pinaglilingkuran, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-init.
14 Ang taong hindi tumutupad sa kanyang pangako ay parang ulap at hangin na walang dalang ulan.
15 Ang mapagpasensya at ang mahinahon magsalita ay makapanghihikayat ng mga pinuno at kahit na ng may matitigas na puso.
16 Huwag kang kakain ng labis na pulot at baka magsuka ka.
17 Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay, baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.
18 Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa ay nakakapinsala tulad ng espada, pamalo at pana.
19 Ang pagtitiwala sa taong hindi mapagkakatiwalaan sa oras ng pangangailangan ay walang kwenta tulad ng paang pilay o ngiping umuuga.
20 Kung aawitan mo ng masayang awitin ang taong nasa matinding kapighatian ay para mo na rin siyang hinubaran sa panahon ng taglamig o kayaʼy nilagyan mo ng suka ang kanyang sugat.
21 Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kapag nauuhaw, painumin mo.
22 Kapag ginawa mo ito mahihiya siya sa iyo at ang Panginoon ang magpapala sa iyo.
23 Kung paanong ang hanging habagat ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang naninira ng kapwa.
24 Mas mabuting tumira ng mag-isa sa bubungan ng bahay kaysa sa loob ng bahay na kasama ang asawang palaaway.
25 Ang magandang balita mula sa malayong lugar ay parang malamig na tubig sa taong nauuhaw.
26 Ang matuwid na umaayon sa gawain ng masamang tao ay parang maruming balon at malabong bukal.
27 Kung paanong masama ang pagkain ng labis na pulot, ganoon din ang paghahangad ng sariling kapurihan.
28 Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling bumagsak gaya ng isang bayan na walang pader.