Kawikaan 15 ASND

1 Ang malumanay na sagot ay nakakapawi ng poot, ngunit lalong nakakapagpagalit ang pabalang na sagot.

2 Ang salita ng taong marunong ay nagpapahiwatig ng karunungan, ngunit ang salita ng hangal ay nagpapakita ng kahangalan.

3 Nakikita ng Panginoon ang lahat ng lugar. Minamasdan niya ang ginagawa ng masasama at ng mga matuwid.

4 Ang malumanay na pananalita ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao, ngunit ang masakit na salita ay nakakasugat ng puso.

5 Hindi pinapansin ng taong hangal ang pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang taong marunong, sumusunod sa mga paalala sa kanya.

6 Dadami ang kayamanan sa tahanan ng mga matuwid, ngunit anumang pag-aari ng masasama ay mawawala.

7 Ikinakalat ng marunong ang kanyang karunungan, ngunit hindi ito magawa ng mangmang.

8 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang handog ng masasama, ngunit kalugod-lugod sa kanya ang panalangin ng mga matuwid.

9 Kinamumuhian ng Panginoon ang taong ang gawain ay masama, ngunit ang taong nagsusumikap na gumawa ng matuwid ay minamahal niya.

10 Minamasama ng taong naliligaw ng landas kapag itinutuwid siya. Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid ay mamamatay.

11 Kung alam ng Panginoon ang nangyayari sa daigdig ng mga patay, lalo namang alam niya ang nasa puso ng mga buhay.

12 Ang taong nangungutya ay ayaw ng sinasaway; ayaw ding tumanggap ng payo mula sa taong may karunungan.

13 Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya, ngunit kapag ang tao ay malungkot, mukha niya ay nakasimangot.

14 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang taong hangal ay naghahangad pa ng kahangalan.

15 Ang buhay ng mga dukha ay palaging mahirap, ngunit kung makokontento lang sila ay palagi silang magiging masaya.

16 Mas mabuti pang maging mahirap na may takot sa Panginoon, kaysa maging mayaman na ang buhay ay puno ng kaguluhan.

17 Mas mabuti pa ang mag-ulam ng kahit gulay lang pero may pagmamahalan, kaysa sa mag-ulam ng karne pero may alitan.

18 Ang taong mainitin ang ulo ay nagpapasimula ng gulo, ngunit ang taong mahinahon ay tagapamayapa ng gulo.

19 Kung ikaw ay tamad, buhay mo ay maghihirap, ngunit kung ikaw ay masipag, buhay mo ay uunlad.

20 Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay hinahamak ang magulang.

21 Ang taong walang pang-unawa ay nagagalak sa kamangmangan, ngunit ang may pang-unawa ay namumuhay nang matuwid.

22 Mabibigo ka kapag hindi ka humihingi ng payo tungkol sa iyong mga pinaplano, ngunit kapag marami kang tagapayo magtatagumpay ang mga plano mo.

23 Nagagalak ang tao kapag akma ang sagot niya. Mas nagagalak siya kung nakakasagot siya sa tamang pagkakataon.

24 Ang taong marunong ay daan patungo sa buhay ang sinusundan at iniiwasan niya ang daan patungo sa kamatayan.

25 Wawasakin ng Panginoon ang bahay ng hambog, ngunit iingatan niya ang lupain ng biyuda.

26 Kinasusuklaman ng Panginoon ang iniisip ng masasamang tao, ngunit nagagalak siya sa iniisip ng mga taong may malinis na puso.

27 Ang taong yumaman sa masamang paraan ay nagdudulot ng kaguluhan sa kanyang sambahayan. Mabubuhay naman nang matagal ang taong hindi nasusuhulan.

28 Ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna ang sasabihin, ngunit ang taong masama ay basta na lamang nagsasalita.

29 Malayo ang Panginoon sa masasama, ngunit malapit siya sa mga matuwid at pinapakinggan niya ang kanilang dalangin.

30 Ang masayang mukha ay nagbibigay ng tuwa at nagpapasigla ang magandang balita.

31 Ang taong nakikinig sa mga turo ng buhay ay maibibilang sa mga marurunong.

32 Pinapasama ng tao ang kanyang sarili kapag binabalewala niya ang pagtutuwid sa kanyang pag-uugali, ngunit kung makikinig siya, lalago ang kanyang kaalaman.

33 Ang takot sa Panginoon ay nagtuturo ng karunungan, at ang nagpapakumbaba ay pinaparangalan.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31