1 Ang karunungan at pang-unawa ay katulad ng taong nangangaral.
2 Tumatayo siya sa matataas na lugar sa tabi ng daan, sa mga kanto,
3 sa mga pintuan ng lungsod at mga daanan. Nangangaral siya nang malakas,
4 “Kayong mga tao sa buong mundo, pakinggan ninyo ang aking panawagan.
5 Kayong mga walang alam, magkaroon kayo ng karunungan.Kayong mga mangmang magkaroon kayo ng pang-unawa.
6 Makinig kayo sa sasabihin ko, sapagkat ito ay tama at kapaki-pakinabang.
7 Ang sinasabi ko ay pawang katotohanan lamang; sa nagsasalita ng masama ako ay nasusuklam.
8 Pawang matuwid ang sinasabi ko; hindi ako nagsasalita ng kasinungalingan o pandaraya.
9 Ang lahat ng sinasabi ko ay malinaw at pawang tama sa taong may pang-unawa.
10 Pahalagahan ninyo ang karunungan at ang pagtutuwid ko sa inyong ugali kaysa sa pilak at ginto.
11 Sapagkat higit na mahalaga ang karunungan kaysa sa mamahaling hiyas at hindi ito matutumbasan ng mga bagay na hinahangad mo.
12 Ako ang karunungan at alam ko kung paano unawain ang tama at mali, at alam ko rin kung paano magpasya nang tama.
13 Ang may takot sa Panginoon ay lumalayo sa kasamaan. Namumuhi ako sa kapalaluan, kayabangan, pagsisinungaling at masamang pag-uugali.
14 Magaling akong magpayo at may sapat na kaalaman. May pang-unawa at kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ko nakakapamuno ang mga hari at ang mga pinunoʼy nakagagawa ng mga tamang batas.
16 Sa pamamagitan ko makakapamuno ang mga tagapamahala at mga opisyal – ang lahat na namumuno ng matuwid.
17 Minamahal ko ang mga nagmamahal sa akin;makikita ako ng mga naghahanap sa akin.
18 Makapagbibigay ako ng kayamanan, karangalan, kaunlaran at tagumpay na magtatagal.
19 Ang maibibigay ko ay higit pa sa purong ginto at pilak.
20 Sinusunod ko ang tama at matuwid.
21 Bibigyan ko ng kayamanan ang nagmamahal sa akin;pupunuin ko ang lalagyan nila ng kayamanan.
22 Noong una pa, nilikha na ako ng Panginoon bago niya likhain ang lahat.
23-26 Nilikha na niya ako noong una pa man.Naroon na ako nang wala pa ang mundo, ang mga dagat, mga bukal, mga bundok, mga burol, mga bukid at kahit pa ang mga alikabok.
27 Naroon na ako nang likhain niya ang langit,maging nang likhain niya ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28-29 Naroon din ako nang likhain niya ang mga ulap,nang palabasin niya ang tubig sa mga bukal mula sa kailaliman,nang ilagay niya ang hangganan ng mga dagat upang hindi ito umapaw,at nang ilagay niya ang mga pundasyon ng mundo.
30 Katulad koʼy arkitekto, na nasa tabi ng Panginoon.Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw, at lagi naman akong masaya sa piling niya.
31 Natutuwa ako sa mundong nilikha niya at sa mga taong inilagay niya dito.
32 Kaya ngayon mga anak pakinggan ninyo ako. Mapalad ang mga sumusunod sa pamamaraan ko.
33 Pakinggan ninyo ang mga pagtutuwid ko sa inyong pag-uugali upang maging marunong kayo,at huwag ninyo itong kalilimutan.
34 Mapalad ang taong laging sa akin nakatuon ang isip at naghihintay para makinig sa akin.
35 Sapagkat ang taong makakasumpong sa akin ay magkakaroon ng maganda at mahabang buhay,at pagpapalain siya ng Panginoon.
36 Ngunit ang taong hindi makakasumpong sa akin ay ipinapahamak ang kanyang sarili.Ang mga galit sa akin ay naghahanap ng kamatayan.”