1 Ang isipan ng hari ay parang ilog na pinapadaloy ng Panginoon saan man niya naisin.
2 Inaakala ng tao na tama ang lahat ng kanyang ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang nakakaalam kung ano ang ating motibo.
3 Ang paggawa ng matuwid at makatarungan ay kalugod-lugod sa Panginoon kaysa sa paghahandog.
4 Ang mapagmataas na tingin at palalong isipan ay kasalanan. Ganyan ang ugali ng mga taong makasalanan.
5 Ang gawaing plinanong mabuti at pinagsikapan ay patungo sa kaunlaran, ngunit ang gawaing padalos-dalos ay maghahatid ng karalitaan.
6 Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling mawala at maaaring humantong sa maagang kamatayan.
7 Ang karahasan ng masasama ang magpapahamak sa kanila, sapagkat ayaw nilang gawin ang tama.
8 Hindi matuwid ang gawain ng taong may kasalanan, ngunit matuwid ang gawain ng taong walang kasalanan.
9 Mas mabuti pang tumirang mag-isa sa bubungan ng bahay kaysa sa loob ng bahay na ang kasama ay asawang palaaway.
10 Ang masasama ay laging gustong gumawa ng masama at sa kanilang kapwa ay wala silang awa.
11 Kapag ang manunuya ay pinarusahan mo, ang mga mangmang ay matututo. Kapag ang marunong naman ang tinuruan mo, lalo pa siyang magiging matalino.
12 Alam ng matuwid na Dios kung ano ang ginagawa ng sambahayan ng masasama, at parurusahan niya sila.
13 Ang hindi pumansin sa daing ng mahirap, kapag siya naman ang dumaing ay walang lilingap.
14 Kapag ang kapwa mo ay may galit sa iyo, mawawala iyon sa palihim na regalo.
15 Kapag katarungan ang umiiral, ang mga matuwid ay natutuwa, ngunit natatakot ang masasama.
16 Ang taong lumilihis sa karunungan ay hahantong sa kamatayan.
17 Ang taong maluho at puro pagdiriwang ay hindi yayaman kundi lalo pang maghihirap.
18 Pinarurusahan ang masasama at makasalanan upang iligtas ang taong matuwid.
19 Mas mabuti pang manirahan sa disyerto kaysa manirahan sa bahay na kasama ang asawang magagalitin at palaaway.
20 Ang taong marunong ay pinaghahandaan ang kanyang kinabukasan, ngunit ang mangmang, winawaldas ang lahat hanggang sa maubusan.
21 Ang taong namumuhay sa katuwiran at kabutihan ay hahaba ang buhay, magtatagumpay at pararangalan.
22 Mapapasuko ng matalinong pinuno ang bayan na maraming sundalo, at kaya niyang gibain ang mga pader na kanilang inaasahang tanggulan.
23 Ang taong nag-iingat sa kanyang mga sinasabi ay nakakaiwas sa gulo.
24 Ang taong palalo at mayabang ay makikilala mo dahil nangungutya siya at sukdulan ang kayabangan.
25 Kung marami kang ninanais ngunit tamad kang magtrabaho, iyon ang sisira sa iyo.
26 Ang taong tamad ay laging naghahangad na makatanggap, ngunit ang taong matuwid ay nagbibigay nang walang alinlangan.
27 Kinasusuklaman ng Panginoon ang handog ng taong masama, lalo na kung ihahandog niya ito ng may layuning masama.
28 Patitigilin sa pagsasalita ang saksing sinungaling, ngunit ang saksing nagsasabi ng katotohanan ay pakikinggan.
29 Ang taong masama ay hindi pinag-iisipan ang kanyang ginagawa, ngunit ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna nang mabuti ang kanyang ginagawa.
30 Walang karunungan, pang-unawa o payo ang makakapantay sa Panginoon.
31 Kahit nakahanda na ang mga kabayo para sa labanan, ang Panginoon pa rin ang nagbibigay ng katagumpayan.