1 Nasa tao ang pagpaplano, ngunit ang Panginoon ang nagpapasya kung magaganap ito o hindi.
2 Inaakala natin na tama ang lahat ng ating ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang makakapaghusga kung ano talaga ang ating motibo.
3 Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong gagawin, at magtatagumpay ka.
4 Ang lahat ay nilikha ng Panginoon na mayroong layunin, kahit na nga ang masasama, itinalaga sila para sa kapahamakan.
5 Kinasusuklaman ng Panginoon ang mayayabang at tiyak na silaʼy parurusahan.
6 Kung minamahal natin ang Panginoon nang may katapatan, patatawarin niya ang ating mga kasalanan. Kung may takot tayo sa kanya nang may paggalang, makalalayo tayo sa kasamaan.
7 Kapag kinalulugdan ng Panginoon ang ating pamumuhay, kahit na ang ating kaaway ay gagawin niyang ating kaibigan.
8 Mas mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan.
9 Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito.
10 Ang haring pinapatnubayan ng Panginoon, palaging tama ang paghatol.
11 Ayaw ng Panginoon ang dayaan sa kalakalan.
12 Sa mga hari ay kasuklam-suklam ang paggawa ng kasamaan, dahil magpapatuloy lamang ang kanilang pamamahala kung sila ay makatuwiran.
13 Nalulugod ang mga hari sa mga taong hindi nagsisinungaling; minamahal nila ang mga taong nagsasabi ng katotohanan.
14 Kapag ang hari ay nagalit maaaring may masawi, kaya sinisikap ng taong marunong na malugod ang hari.
15 Hindi pinapatay ng hari ang taong sa kanya ay kalugod-lugod; pinakikitaan niya ito ng kabutihan gaya ng ulan sa panahon ng tagsibol.
16 Higit na mabuti ang magkaroon ng karunungan at pang-unawa, kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.
17 Ang namumuhay nang matuwid ay lumalayo sa kasamaan, at ang nag-iingat ng kanyang sarili ay nalalayo sa kapahamakan.
18 Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak.
19 Higit na mabuti ang mamuhay nang may pagpapakumbaba kasama ang mahihirap kaysa sa mamuhay kasama ng mayayabang at makibahagi sa kanilang pinagnakawan.
20 Ang taong nakikinig kapag tinuturuan ay uunlad, at ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang marunong ay kinikilalang may pang-unawa, at kung siyaʼy magaling magsalita marami ang matututo sa kanya.
22 Kapag may karunungan ka, buhay moʼy bubuti at hahaba; ngunit kung hangal ka, parurusahan ka dahil sa iyong kahangalan.
23 Ang taong marunong ay nag-iingat sa kanyang mga sinasabi, kaya natututo ang iba sa kanya.
24 Ang matatamis na salita ay parang pulot-pukyutan, nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan.
25 Maaaring iniisip mo na nasa tamang daan ka, ngunit ang dulo pala nito ay kamatayan.
26 Ang kagutuman ang nagtutulak sa tao na magtrabaho.
27 Ang taong masama ay nag-iisip ng kasamaan, at ang bawat sabihin niya ay parang apoy na nakakapaso.
28 Ang taong nanlilibak ng kapwa ay nagsisimula ng away, at ang matalik na magkaibigan ay kanyang pinaghihiwalay.
29 Ang taong nabubuhay sa karahasan ay nanghihikayat ng kanyang kapwa sa kasamaan.
30 Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti at kikindat-kindat dahil maaaring masama ang kanyang binabalak.
31 Ang katandaan ay tanda ng karangalan na matatanggap ng taong namumuhay sa katuwiran.
32 Higit na mabuti ang taong mapagpasensya kaysa sa taong makapangyarihan. Higit na mabuti ang taong nakakapagpigil sa sarili kaysa sa taong nakakasakop ng isang lungsod.
33 Nagpapalabunutan ang mga tao upang malaman kung ano ang kanilang gagawin, ngunit nasa Panginoon ang kapasyahan.