Kawikaan 31 ASND

Ang mga Kawikaan ni Haring Lemuel

1 Ito ang mga kawikaan ni Haring Lemuel na taga-Masa. Ito ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ina:

2 Anak, ipinanganak ka bilang sagot sa aking mga panalangin.

3 Huwag mong sasayangin ang iyong lakas at pera sa mga babae, sapagkat sila ang dahilan kung bakit napapahamak ang mga hari.

4 Lemuel, hindi dapat uminom ng alak ang isang hari. Ang mga namumuno ay hindi dapat maghangad ng inumin na nakalalasing.

5 Sapagkat kapag nalasing na sila, kadalasan ay nakakalimutan na nila ang kanilang tungkulin, at hindi nila nabibigyan ng katarungan ang mga nasa kagipitan.

6-7 Hayaan mong mag-inom ang mga taong nawalan na ng pag-asa at naghihirap ang kalooban, upang makalimutan nila ang kanilang mga kasawian at kahirapan.

8 Ipagtanggol mo ang karapatan ng mga taong kahabag-habag, na hindi maipagtanggol ang kanilang mga sarili.

9 Humatol ka ng walang kinikilingan, at ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihirap at nangangailangan.

Ang Mabuting Asawa

10 Mahirap hanapin ang mabuting asawa. Higit pa sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.

11 Lubos ang tiwala sa kanya ng kanyang asawa, at wala na itong mahihiling pa sa kanya.

12 Kabutihan at hindi kasamaan ang ginagawa niya sa kanyang asawa habang siya ay nabubuhay.

13 Masigasig siyang humahabi ng mga telang linen at lana.

14 Tulad siya ng barko ng mga mangangalakal; nagdadala siya ng mga pagkain kahit galing pa siya sa malayong lugar.

15 Maaga siyang gumigising upang ipaghanda ng pagkain ang kanyang pamilya, at upang sabihan ang mga babaeng katulong ng mga dapat nilang gawin.

16 Marunong siyang pumili ng lupa na kanyang bibilhin. At mula sa kanyang sariling ipon, pinapataniman niya ito ng ubas.

17 Malakas, masipag at mabilis siyang gumawa.

18 Magaling siyang magnegosyo, at matiyagang nagtatrabaho hanggang gabi.

19 Siya rin ang gumagawa ng mga tela upang gawing damit.

20 Matulungin siya sa mahihirap at mga nangangailangan.

21 Hindi siya nag-aalala, dumating man ang taglamig, dahil may makakapal siyang tela para sa kanyang pamilya.

22 Siya na rin ang gumagawa ng mga kobre-kama, at ang kanyang mga damit ay mamahalin at magaganda.

23 Kilala ang asawa niya bilang isa sa mga tagapamahala ng bayan.

24 Gumagawa rin siya ng damit at sinturon, at ipinagbibili sa mga mangangalakal.

25 Malakas at iginagalang siya, at hindi siya nangangamba para sa kinabukasan.

26 Nagsasalita siya nang may karunungan, at nagtuturo nang may kabutihan.

27 Masipag siya, at inaalagaang mabuti ang kanyang pamilya.

28 Pinupuri siya ng kanyang mga anak, at pinupuri rin ng kanyang kabiyak na nagsasabi,

29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit ikaw ang pinakamabuti sa kanilang lahat.”

30 Ang pagiging kaakit-akit ay makapandaraya, at ang kagandahan ay kumukupas. Pero ang babaeng may takot sa Panginoon ay dapat purihin.

31 Dapat siyang gantimpalaan sa kanyang ginawang kabutihan at parangalan sa karamihan.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31