1 Kapag kumakain ka kasalo ng taong may mataas na katungkulan, mag-ingat ka sa ikikilos mo.
2 Kung palakain ka, pigilan mo ang iyong sarili.
3 Huwag kang magnanasa sa mga pagkaing kanyang inihanda, dahil baka iyon ay pain lang sa iyo.
4 Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagpapayaman. Sa halip pigilan mo ang iyong sarili at isipin kung ano ang mabuti.
5 Dahil ang kayamanan ay madaling mawala at tila may pakpak na lumilipad sa kalawakan tulad ng isang agila.
6 Huwag kang kumain o matakam sa pagkain na inihanda ng taong kuripot, kahit ito ay masarap.
7 Sapagkat ang taong ganyan bawat subo moʼy binabantayan. Sasabihin niya, “Sige, kumain ka pa.” Ngunit hindi pala ganoon ang nasa isip niya.
8 Kaya lahat ng kinain moʼy isusuka mo at ang mga papuri mo sa kanya ay mababalewala.
9 Huwag kang magsasalita sa hangal, sapagkat ang sasabihin mong karunungan sa kanya ay wala ring kabuluhan.
10 Huwag mong agawin o sakupin ang lupa ng mga ulila sa pamamagitan ng paglilipat ng mga muhon na matagal nang nakalagay.
11 Sapagkat ang kanilang makapangyarihang tagapagtanggol ay ang Panginoon. Siya ang magtatanggol sa kanila laban sa iyo.
12 Makinig ka kapag itinutuwid ang iyong pag-uugali upang ikaw ay matuto.
13-14 Huwag kang magpapabaya sa pagdidisiplina sa iyong anak. Ang tamang pagpalo ay hindi niya ikamamatay kundi makapagliligtas pa sa kanya sa kamatayan.
15-16 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka at karunungan ang mamumutawi sa iyong mga labi.
17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip igalang mo ang Panginoon habang nabubuhay ka.
18 At kung magkagayon ay gaganda ang kinabukasan mo at mapapasaiyo ang mga hinahangad mo.
19 Anak, pakinggan mo ang itinuturo ko sa iyo. Maging matalino ka at sundin mo ang tamang daan.
20-21 Huwag kang gumaya sa mga lasenggo at matakaw sa pagkain, dahil ang gaya nila ay hahantong sa kahirapan. Tulog lang sila ng tulog, kaya sa bandang huli ay magdadamit na lang sila ng basahan.
22 Makinig ka sa iyong mga magulang sapagkat kung hindi dahil sa kanila, hindi ka naisilang sa mundong ito. Huwag mo silang hahamakin kapag sila ay matanda na.
23 Pagsikapan mong mapasaiyo ang katotohanan, karunungan, magandang pag-uugali at pang-unawa. At huwag mo itong ipagpapalit sa kahit anumang bagay.
24-25 Matutuwa ang iyong mga magulang kung matuwid ka at matalino. Ikaliligaya nila na sila ang naging iyong ama at ina.
26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay.
27 Sapagkat ang babaeng bayaran ay makapagpapahamak sa iyo katulad ng malalim at makitid na hukay.
28 Para siyang tulisan na nag-aabang ng mabibiktima, at siya ang dahilan ng pagtataksil ng maraming lalaki sa kanilang mga asawa.
29 Sino ang may matinding problema? Sino ang mahilig sa away? Sinong mareklamo? Sinong nasugatan na dapat sana ay naiwasan? At sino ang may mga matang namumula?
30 Sino pa kundi ang mga lasenggong sugapa sa ibaʼt ibang klase ng alak!
31 Huwag kang matakam sa alak na napakagandang tingnan sa isang baso at tila masarap.
32 Kapag nalasing ka, sasama ang iyong pakiramdam na parang tinuklaw ka ng makamandag na ahas.
33 Kung anu-ano ang makikita mo at hindi ka makakapag-isip ng mabuti.
34 Pakiramdam moʼy nasa gitna ka ng dagat at nakahiga sa ibabaw ng palo ng barko.
35 Sasabihin mo, “May humampas at sumuntok sa akin, ngunit hindi ko naramdaman. Kailan kaya mawawala ang pagkalasing ko para muli akong makainom?”