1 Ang marunong na babae ay pinatatatag ang kanyang sambahayan, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ang kanyang sariling tahanan.
2 Ang taong namumuhay sa katuwiran ay may takot sa Panginoon, ngunit ang namumuhay sa kasamaan ay humahamak sa kanya.
3 Ang salita ng hangal ang magpapasama sa kanya, ngunit ang salita ng marunong ang mag-iingat sa kanya.
4 Kapag wala kang hayop na pang-araro wala kang aanihin, ngunit kung may hayop ka, at malakas pa, marami ang iyong aanihin.
5 Ang tapat na saksi ay hindi nagsisinungaling, ngunit pawang kasinungalingan ang sinasabi ng saksing sinungaling.
6 Ang taong nangungutya ay hindi magkakaroon ng karunungan kahit ano pa ang kanyang gawin, ngunit ang taong may pang-unawa ay madaling matututo.
7 Iwasan mo ang mga hangal dahil wala kang mabuting matututunan sa kanila.
8 Ang karunungan ng taong marunong umunawa kung ano ang tama at mali ang nagbibigay sa kanya ng kaalaman kung ano ang kanyang gagawin, ngunit ang kahangalan ng taong hangal ang magliligaw sa kanya.
9 Balewala sa mga hangal ang makagawa ng kasalanan, ngunit ang taong matuwid ay gustong maging kalugod-lugod sa Dios.
10 Ikaw lamang ang nakakaalam ng iyong kabiguan at kagalakan.
11 Mawawasak ang tahanan ng taong masama, ngunit uunlad ang tahanan ng taong matuwid.
12 Maaaring sa tingin mo ang daang tinatahak mo ay matuwid, ngunit kamatayan pala ang dulo nito.
13 Maaaring maitago ang kalungkutan sa pamamagitan ng pagtawa, ngunit pagkatapos ng kasiyahan nariyan pa rin ang kalungkutan.
14 Ang tao ay tatanggap ng nararapat sa kanya kung ano ang ginawa niya, mabuti man o masama.
15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat ng kanyang napapakinggan, ngunit ang taong marunong umunawa ay pinag-iisipan ang kanyang napakinggan.
16 Ang taong marunong ay iniingatan ang kanyang sarili at umiiwas sa gulo, ngunit ang taong hangal ay walang pag-iingat at padalos-dalos.
17 Ang taong madaling magalit ay nakagagawa ng kamangmangan. Ang taong mapanlinlang ay kinapopootan.
18 Makikita ang kamangmangan sa taong walang alam, ngunit makikita ang karunungan sa taong nakakaunawa kung ano ang mabuti at masama.
19 Ang taong masama ay yuyuko sa taong matuwid at magsusumamo na siya ay kahabagan.
20 Ang mga mahirap kadalasan ay hindi kinakaibigan kahit ng kanyang kapitbahay, ngunit ang mga mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang tumutulong sa dukha ay pinagpapala.
22 Ang nagbabalak ng masama sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang nagpaplano nang mabuti ay dadamayan at mamahalin ng kapwa.
23 Ang masikap sa trabaho ay may pakinabang, ngunit magiging mahirap ang puro salita lang.
24 Ang karangalan ng taong marunong ay ang kanyang kayamanan, ngunit ang hangal ay lalo pang madadagdagan ang kahangalan.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay, ngunit taksil ang saksing sinungaling.
26 Ang taong may takot sa Panginoon ay may kasiguraduhan at siya ang kanlungan ng kanyang sambahayan.
27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay magpapabuti at magpapahaba ng iyong buhay at maglalayo sa iyo sa kamatayan.
28 Ang kapangyarihan ng isang hari ay nasa dami ng kanyang nasasakupan, ngunit kung walang tauhan tiyak ang kanyang kapahamakan.
29 Ang mapagpasensya ay mas higit ang karunungan, ngunit ang madaling magalit ay nagpapakita ng kahangalan.
30 Ang payapang isipan ay nagpapalusog ng katawan, ngunit ang pagkainggit ay tulad ng kanser sa buto.
31 Ang nang-aapi ng mahihirap ay hinahamak ang Dios na lumikha sa kanila, ngunit ang nahahabag sa mahihirap ay pinararangalan ang Dios.
32 Mapapahamak ang masama dahil sa kanyang masamang gawain, ngunit ang mga matuwid ay iingatan dahil sa kanilang pagkamakadios.
33 Ang karunungan ay nasa isip ng taong may pang-unawa, ngunit ang mangmang ay walang nalalamang kahit ano tungkol sa karunungan.
34 Ang matuwid na pamumuhay ng mamamayan ay nagpapaunlad ng kanilang bansa, ngunit kung sila ay magkasala, mapapahiya ang kanilang bansa.
35 Sa matalinong lingkod ang hari ay nalulugod, ngunit sa hangal na lingkod siya ay napopoot.