Kawikaan 20 ASND

1 Ang sobrang pag-inom ng alak ay nagbubunga ng panunuya at kaguluhan, kaya ang taong naglalasing ay salat sa karunungan.

2 Ang poot ng hari ay parang atungal ng leon. Kapag ginalit mo siya, papatayin ka niya.

3 Ang pag-iwas sa gulo ay tanda ng karangalan; hangal lang ang may gusto ng kaguluhan.

4 Ang taong tamad mag-araro sa panahon ng pagtatanim ay walang makukuha pagdating ng anihan.

5 Ang isipan ng tao ay tulad ng malalim na balon, ngunit mauunawaan ito ng taong marunong.

6 Marami ang nagsasabi na sila ay tapat, ngunit mayroon kaya sa kanila ang mapagkakatiwalaan?

7 Ang taong matuwid ay walang kapintasan. Mapalad ang mga anak niya kung siya ang kanilang tinutularan.

8 Kapag ang hari ay humahatol, tinitiyak muna niya kung sino ang gumawa ng masama.

9 Walang sinumang makapagsasabi na ang puso niya ay malinis, na kailanman ay hindi siya nakagawa ng mali.

10 Ang madadayang timbangan at sukatan ay kasuklam-suklam sa paningin ng Dios.

11 Ang mga ginagawa ng isang kabataan ay nagpapakita ng kanyang tunay na pag-uugali, kung siya ba ay matuwid o hindi.

12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita ay ang Panginoon ang siyang gumawa.

13 Kung tulog ka nang tulog maghihirap ka, ngunit kung magsisikap ka, ang iyong pagkain ay sasagana.

14 Pinipintasan ng mamimili ang kanyang binibili upang makatawad siya. Pero kung nabili na, hindi na niya ito pinipintasan, sa halip ay ipinagyayabang pa.

15 Marami ang ginto at mamahaling bato, ngunit iilan lamang ang nakapagsasalita nang may karunungan.

16 Kung may taong nangako na babayaran niya sa iyo ang utang ng taong hindi niya kilala, tiyakin mong makakakuha ka sa kanya ng garantiya, para makatiyak ka na babayaran ka niya.

17 Pagkaing nakuha sa pandaraya sa una ay matamis ang lasa, ngunit sa huli ay lasang buhangin na.

18 Humingi ka ng payo sa iyong pagpaplano o bago makipaglaban sa digmaan.

19 Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto, kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao.

20 Mamamatay ang sinumang sumumpa sa kanyang magulang, para siyang ilaw na namatay sa gitna ng kadiliman.

21 Ang mana na kinuha ng maaga sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.

22 Huwag kang maghiganti. Magtiwala ka sa Panginoon, at tutulungan ka niya.

23 Nasusuklam ang Panginoon sa mga nandadaya sa timbangan. Hindi ito mabuting gawain.

24 Ang Panginoon ang nagkaloob nitong ating buhay, kaya hindi natin alam ang ating magiging kapalaran.

25 Bago mangako sa Dios ay isiping mabuti, baka magsisi ka sa bandang huli.

26 Sa paghatol, tinitiyak ng matalinong hari na malaman kung sino ang gumagawa ng kasamaan at saka niya parurusahan.

27 Ibinigay sa atin ng Panginoon ang ating budhi at isipan upang makita ang ating kaloob-looban.

28 Ang haring mabuti at tapat ay hindi mapapahamak, at magtatagal siya sa kanyang luklukan.

29 Karangalan ng kabataan ang kanilang kalakasan, at karangalan naman ng matatanda ang kanilang katandaan.

30 Kung minsan ang parusa ay nagdudulot ng mabuti para magbago tayo.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31