1 Kinasusuklaman ng Panginoon ang nandaraya sa timbangan, ngunit ang nagtitimbang ng tama ay kanyang kinalulugdan.
2 Ang taong mayabang ay madaling mapahiya, ngunit may karunungan ang taong mapagpakumbaba.
3 Ang pamumuhay nang may katapatan ang gagabay sa taong matuwid, ngunit ang taong mandaraya ay mapapahamak dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.
4 Ang kayamanan ay hindi makakatulong sa araw ng paghuhukom, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.
5 Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay ay makapagpapagaan ng buhay, ngunit ang masamang pamumuhay ay maghahatid ng kapahamakan.
6 Ang pamumuhay ng taong matuwid ang magliligtas sa kanya, ngunit ang hangad ng taong mandaraya ang magpapahamak sa kanya.
7 Kapag namatay ang taong masama, pag-asa niyaʼy mawawala, at ang kanyang mga inaasahan ay mawawalan ng kabuluhan.
8 Inililigtas ng Dios sa kahirapan ang matuwid, ngunit ang masama ay kanyang pinapabayaan.
9 Sinisira ng hindi makadios ang kapwa niya sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Ang taong matuwid ay maililigtas ng kanyang kaalaman.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, mga taoʼy sumisigaw sa tuwa. At kapag ang masama ay napapahamak ganoon din ang kanilang ginagawa.
11 Umuunlad ang isang bayan sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid, subalit nawawasak ito sa pamamagitan ng salita ng masama.
12 Ang taong walang pang-unawa ay kinukutya ang kapwa, ngunit ang taong may pang-unawa ay hindi nangungutya.
13 Ang mga taong madaldal ay nagsisiwalat ng sikreto ng iba, ngunit ang taong mapagkakatiwalaan ay nakakapagtago ng sikreto ng iba.
14 Babagsak ang bansa kung ang namumuno nito ay walang gumagabay, ngunit kung maraming tagapayo tiyak ang tagumpay.
15 Delikado ang mangakong managot sa utang ng iba, kaya iwasan itong gawin upang hindi ka magkaproblema.
16 Ang babaeng maganda ang ugali ay nag-aani ng karangalan, ngunit ang taong marahas ay magaling lang sa pag-angkin ng kayamanan. Ang taong tamad ay maghihirap, ngunit ang taong masipag ay yayaman.
17 Kung mabait ka para iyon sa iyong kabutihan, ngunit kung malupit ka para iyon sa iyong kapahamakan.
18 Ang masamang tao ay hindi tatanggap ng tunay na gantimpala, ngunit ang gumagawa ng matuwid ay tatanggap ng tunay na gantimpala.
19 Ang taong gumagawa ng matuwid ay patuloy na mabubuhay, ngunit ang taong gumagawa ng masama ay mamamatay.
20 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang pag-iisip ng masama, ngunit ang buhay na matuwid ay kalugod-lugod sa kanya.
21 Ang taong masama, tiyak na parurusahan, ngunit ang matuwid ay makakaligtas.
22 Ang magandang babaeng hindi marunong magpasya ay parang isang gintong singsing sa nguso ng baboy.
23 Ang ninanais ng matuwid ay pawang kabutihan, ngunit ang ninanais ng masama ay nagdudulot ng kaguluhan.
24 Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan.
25 Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan.
26 Isinusumpa ang taong nagtatago ng paninda para maitinda ito kapag mataas na ang presyo, ngunit pinupuri ang taong hindi nagtatago ng paninda.
27 Ang taong naghahanap ng kabutihan ay makakatagpo nito, ngunit ang taong naghahanap ng gulo ay makakatagpo rin ng gulo.
28 Mabibigo ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan, ngunit ang taong matuwid ay lalago na parang sariwang halaman.
29 Ang mga hangal na nagdadala ng gulo sa sariling tahanan ay walang mamanahin sa huli. Magiging alipin lang sila ng mga taong may karunungan.
30 Ang ginagawa ng mga taong matuwid ay makakatulong sa iba upang mapabuti at mapahaba ang kanilang buhay. At madadala niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.
31 Ang mga ginagawa ng mga taong matuwid dito sa mundo ay ginagantihan ng kabutihan, gayon din sa makasalanan at hindi kumikilala sa Dios, ganti sa kanila ay kaparusahan.