1 Anak, huwag mong kalilimutan ang mga itinuturo ko sa iyo. Ingatan mo sa iyong puso ang mga iniuutos ko,
2 sapagkat ito ang magpapahaba at magpapaunlad ng iyong buhay.
3 Manatili kang mapagmahal at matapat; alalahanin mo itong lagi at itanim sa iyong isipan.
4 Kapag ginawa mo ito, malulugod ang Dios pati na ang mga tao.
5 Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan.
6 Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas.
7 Huwag mong isipin na napakarunong mo na. Matakot ka sa Panginoon, at huwag gumawa ng masama.
8 Para iyon sa ikabubuti at ikalalakas ng iyong katawan.
9 Parangalan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog sa kanya ng mga unang bunga ng iyong ani.
10 Kapag ginawa mo ito, mapupuno ng ani ang iyong mga bodega at aapaw ang inumin sa iyong mga sisidlan.
11 Anak, huwag mong mamasamain kapag itinatama ka ng Panginoon upang ituwid ang iyong pag-uugali.
12 Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang ugali ng kanyang mga minamahal, katulad ng ginagawa ng isang ama sa kanyang anak na kinalulugdan.
13 Mapalad ang taong may karunungan at pang-unawa.
14 Higit pa ito sa pilak at ginto,
15 at sa ano pa mang mga mamahaling bato. Walang anumang bagay ang maaaring ipantay dito.
16 Magpapahaba ito ng iyong buhay, magpapaunlad ng iyong kabuhayan at magbibigay sa iyo ng karangalan.
17 Ang karunungan ay magpapabuti ng iyong kalagayan.
18 Mapalad ang taong may karunungan, dahil magbibigay ito ng mabuti at mahabang buhay.
19-20 Sa pamamagitan ng karunungan, nilikha ng Panginoon ang lupa at ang langit, at bumukas ang mga bukal at mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan.
21 Anak, ingatan mo ang iyong karunungan at kaalaman sa pagpapasya ng tama. Huwag mong hayaang mawala ito sa iyo.
22 Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo ng mahaba at magandang buhay.
23 Mabubuhay kang ligtas sa anumang kapahamakan.
24 Makakatulog ka nang mahimbing at walang kinakatakutan.
25 Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama,
26 dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.
27 Hanggaʼt makakaya mo, tulungan mo ang mga dapat tulungan.
28 Huwag mo nang ipagpabukas pa, kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.
29 Huwag mong pagplanuhan ng masama ang kapitbahay mo na nagtitiwala sa iyo.
30 Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo nang walang sapat na dahilan, lalo na kung wala naman siyang ginawang masama sa iyo.
31 Huwag kang mainggit sa taong malupit o gayahin ang kanyang mga ginagawa.
32 Sapagkat nasusuklam ang Panginoon sa mga taong baluktot ang pag-iisip, ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay nang matuwid.
33 Isinusumpa ng Panginoon ang sambahayan ng masasama, ngunit pinagpapala niya ang sambahayan ng mga matuwid.
34 Hinahamak niya ang mga nanghahamak ng kapwa, ngunit binibiyayaan niya ang mga mapagpakumbaba.
35 Ang mga marunong ay pararangalan, ngunit ang mga hangal ay ilalagay sa kahihiyan.