1 Kung paanong hindi bagay na mag-nyebe sa tag-araw at umulan sa panahon ng tag-ani, hindi rin bagay na papurihan ang taong hangal.
2 Ang sumpa ay hindi tatalab sa walang kasalanan. Tulad ito ng ibong hindi dumadapo at lilipad-lipad lamang.
3 Kailangan ang latigo para sa kabayo, bokado para sa asno, at pamalo para sa hangal na tao.
4 Huwag mong sagutin ang hangal kung nakikipag-usap siya sa iyo ng kahangalan, at baka matulad ka rin sa kanya.
5 Ngunit kung minsan, kailangang sagutin din siya, para malaman niya na hindi siya marunong tulad ng kanyang inaakala.
6 Kapag nagpadala ka ng mensahe sa pamamagitan ng isang mangmang, para mo na ring pinutol ang iyong mga paa, at para ka na ring gumawa ng sariling kapahamakan.
7 Ang pilay na paa ay walang kabuluhan, katulad ng kawikaan sa bibig ng hangal.
8 Ang isang papuri na sa hangal iniuukol ay parang batong nakatali sa tirador.
9 Ang kasabihang sinasabi ng hangal ay makapipinsala tulad ng matinik na kahoy na hawak ng lasing.
10 Kahangalan ang pumana ng kahit sino; gayon din ang pagkuha sa hangal o sa sinumang dumadaan upang upahan.
11 Inuulit ng hangal ang kanyang kahangalan, tulad ng asong binabalikan ang kanyang suka para kainin.
12 Mas mabuti pa ang hinaharap ng isang taong mangmang kaysa sa taong nagmamarunong.
13 Ang batugan ay hindi lumalabas ng tahanan, ang kanyang dahilan ay may leon sa lansangan.
14 Gaya ng pintuang pumipihit sa bisagra ang batugan na papihit-pihit sa kanyang kama.
15 May mga taong sobrang tamad na kahit ang kumain ay kinatatamaran.
16 Ang akala ng batugan mas marunong pa siya kaysa sa pitong tao na tamang mangatuwiran.
17 Mapanganib ang nanghihimasok sa gulo ng may gulo, ito ay tulad ng pagdakma sa tainga ng aso.
18-19 Ang taong nandaraya sa kanyang kapwa, at saka sasabihing nagbibiro lang siya ay tulad ng isang baliw na pumapana sa mga tao sa pamamagitan ng nakamamatay na palaso.
20 Namamatay ang apoy kung ubos na ang panggatong, natitigil ang away kung wala ng tsismisan.
21 Kung uling ang nagpapabaga at kahoy ang nagpapaliyab ng apoy, ang taong palaaway naman ang nagpapasimula ng gulo.
22 Ang tsismis ay parang pagkaing masarap nguyain at lunukin.
23 Maaaring itago ng magandang pananalita ang masamang isipan, tulad nito ay mumurahing banga na pininturahan ng pilak.
24 Maaaring ang kaaway ay magandang magsalita, ngunit ang nasa isip niya ay makapandaya.
25 Kahit masarap pakinggan ang kanyang pananalita ay huwag kang maniwala, sapagkat ang iniisip niya ay napakasama.
26 Maaaring ang galit ay kanyang maitago, ngunit malalantad din sa karamihan ang masama niyang gawa.
27 Ang humuhukay ng patibong para mahulog ang iba ay siya rin ang mahuhulog doon. Ang nagpapagulong ng malaking bato para magulungan ang iba ay siya rin ang magugulungan nito.
28 Ang sinungaling ay nagagalit sa nabiktima niya ng kasinungalingan, at ang taong nambobola ay ipapahamak ka.