1 Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa hangal na sinungaling.
2 Maging masigasig ka man ngunit walang nalalaman, wala rin itong kabuluhan. Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla madali kang magkakasala.
3 Kamangmangan ng tao ang nagpapahamak sa kanyang sarili, at pagkatapos sa Panginoon ibinabaling ang sisi.
4 Ang mayaman ay maraming kaibigan, ngunit ang mahirap namaʼy iniiwanan ng kaibigan.
5 Ang saksing sinungaling ay parurusahan, at ang nagsisinungaling ay hindi makakatakas sa kaparusahan.
6 Marami ang lumalapit sa pinunong mabait, at sa mapagbigay ang lahat ay nakikipagkaibigan.
7 Ang mahihirap ay iniiwasan ng mga kamag-anak, at lalo na ng mga kaibigan. Kapag sila ay kailangan hindi sila matagpuan.
8 Ang taong nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa sarili, at ang nagpapahalaga sa pang-unawa ay uunlad.
9 Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan, at ang sinumang nagsisinungaling ay mapapahamak.
10 Hindi bagay sa taong mangmang ang mamuhay sa karangyaan, at mas lalong hindi bagay sa isang alipin ang mamuno sa mga pinuno.
11 Kung ikaw ay mahinahon, nagpapakita lang na marunong ka. At kung pinapatawad mo ang nagkasala sa iyo, makapagdudulot ito ng karangalan sa iyo.
12 Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon, ngunit ang kanyang kabutihan ay tulad ng hamog na bumabasa sa mga halaman.
13 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapahamakan sa kanyang ama. Ang bungangerang asawa ay nakakainis tulad ng tulo sa bubungan.
14 Bahay at kayamanan sa magulang ay namamana, ngunit ang Panginoon lang ang nagbibigay ng matalinong asawa.
15 Kung ikaw ay tamad at tulog lang nang tulog, magugutom ka.
16 Mabubuhay nang matagal ang taong sumusunod sa utos ng Dios, ngunit ang hindi sumusunod ay mamamatay.
17 Kapag tumutulong ka sa mahirap, para kang nagpapautang sa Panginoon, dahil ang Panginoon ang magbabayad sa iyo.
18 Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon pa. Kung hindi mo siya itutuwid, ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.
19 Hayaan mong maparusahan ang taong magagalitin, dahil kapag tinulungan mo siya, uulit-ulitin lang niya ang kanyang ginagawa.
20 Dinggin mo at sundin ang mga payo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali, at sa bandang huli ay magiging marunong ka.
21 Marami tayong mga pinaplano, ngunit ang kalooban pa rin ng Panginoon ang masusunod.
22 Ang gusto natin sa isang tao ay matapat. Mas mabuti pang maging mahirap kaysa maging sinungaling.
23 Ang pagkatakot sa Panginoon ay magdudulot ng mahabang buhay, kasapatan, at kaligtasan sa kapahamakan.
24 May mga taong sobrang batugan kahit ang kumain ay kinatatamaran.
25 Ang mapanuya ay dapat parusahan para ang mga katulad niya ay matuto na maging marunong. Ang nakakaunawa ay lalong magiging marunong kapag pinagsasabihan.
26 Kahiya-hiya ang anak na malupit sa kanyang ama at pinapalayas ang kanyang ina.
27 Anak, kung hindi ka makikinig sa mga pangaral para maituwid ang iyong pag-uugali, tinatanggihan mo ang mga turo na nagbibigay ng karunungan.
28 Ang sinungaling na saksi ay pinapawalang-kabuluhan ang katarungan, at ang bibig ng masama ay nalulugod sa pagpapahayag ng kasamaan.
29 Sa mga mapanuya ay may hatol na nakalaan, at hagupit naman ang nakahanda para sa mga hangal.