1 Anak, pakinggan mong mabuti ang mga sasabihin ko na may karunungan,
2 upang malaman mo ang pagpapasya ng tama at matuto ka ring magsalita nang may karunungan.
3 Ang salita ng masamang babae ay kasintamis ng pulot at banayad tulad ng langis.
4 Ngunit pagkatapos ay pait at sakit ang iyong makakamit.
5 Kung susunod ka sa kanya, dadalhin ka niya sa kapahamakan, sapagkat ang nilalakaran niya ay patungo sa kamatayan.
6 Hindi niya pinapansin ang daan patungo sa buhay. Ang dinadaanan niyaʼy liku-liko at hindi niya ito nalalaman.
7 Kaya mga anak, pakinggan ninyo ako at sundin.
8 Lumayo kayo sa babaeng masama ni huwag lumapit sa kanyang bahay.
9 Dahil baka masira ang inyong dangal at mapunta sa iba, at mamatay kayo sa kamay ng mga taong walang awa.
10 At ang lahat ng kayamanan ninyo at ang inyong mga pinagpaguran ay mapupunta sa iba, sa mga taong hindi ninyo kilala.
11 Saka kayo mananangis kapag malapit na kayong mamatay, kapag butoʼt balat na lamang at wala nang lakas.
12 Saka ninyo sasabihin, “Sayang hindi ko kasi pinansin ang mga pagtutuwid sa akin; nagmatigas ako at sinunod ang gusto ko.
13 Hindi ako nakinig sa aking mga guro.
14 Kaya ngayon, narito ako sa gitna ng kapahamakan at kahihiyan.”
15 Dapat sa asawa mo lang ikaw sumiping. Kung baga sa tubig, doon ka lang sa sarili mong balon kumuha ng iyong iinumin.
16 Dahil baka magtaksil din sa iyo ang iyong asawa.
17 Dapat ang mag-asawa ay para lamang sa isaʼt isa at huwag makihati sa iba.
18 Maging maligaya ka sa iyong asawa, na napangasawa mo noong iyong kabataan.
19 Maganda siya at kaakit-akit gaya ng usa. Sana ay lagi kang lumigaya sa kanyang dibdib at maakit sa kanyang pag-ibig.
20 Anak, huwag kang paaakit sa malaswang babae o hipuin man ang kanyang dibdib.
21 Sapagkat nakikita ng Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa; saan ka man naroroon tinitingnan ka niya.
22 Ang masamang tao ay bihag ng kanyang kasamaan, para itong bitag na huhuli sa kanya.
23 Maliligaw siya dahil sa kanyang kamangmangan, at mamamatay dahil ayaw niyang itinutuwid.