1 Huwag kang mainggit sa mga taong masama o hangarin mang makipagkaibigan sa kanila.
2 Sapagkat ang iniisip nila at sinasabi ay para sa kapahamakan ng iba.
3-4 Sa pamamagitan ng karunungan, maitatayo mo at mapapaunlad ang iyong tahanan. Mapupuno rin ito ng mahahalagang kayamanan.
5 Ang taong marunong ay malaki ang maitutulong upang lalong lumakas ang mga nakikipaglaban,
6 sapagkat kailangan nila ng mga payo sa pakikipaglaban. At higit na matitiyak ang tagumpay kung maraming nagpapayo.
7 Ang karunungan ay hindi maunawaan ng mangmang. Wala siyang masabi kapag mahahalagang bagay ang pinag-uusapan.
8 Ang taong laging nagpaplano ng masama ay kikilalaning may pakana ng kasamaan.
9 Anumang pakana ng hangal ay kasalanan, at kinasusuklaman ng mga tao ang sinumang nangungutya.
10 Kapag ikaw ay nawalan ng pag-asa sa panahon ng kahirapan, nagpapakita lang ito na ikaw ay mahina.
11 Huwag kang mag-atubiling iligtas ang walang kasalanan na hinatulan ng kamatayan.
12 Maaaring sabihin mo na wala kang nalalaman sa nangyari, pero alam ng Dios kung totoo o hindi ang iyong sinasabi, dahil binabantayan ka niya at alam niya ang nasa puso mo. Gagantimpalaan ka niya ayon sa iyong mga ginawa.
13-14 Anak, kung papaanong matamis at mabuti para sa iyo ang pulot, ganoon din naman ang karunungan. Sapagkat kung marunong ka, mapapabuti ang iyong kinabukasan at mapapasaiyo ang iyong mga hinahangad.
15 Huwag kang gagaya sa taong masama na palihim na sumasalakay sa bahay ng matuwid.
16 Ang taong matuwid, mabuwal man ng pitong ulit ay tiyak na makakabangon ulit. Hindi tulad ng taong masama na kapag nabuwal ay hindi na makakabangon pa.
17 Huwag kang matuwa kapag napapahamak ang iyong kaaway,
18 dahil kapag nakita ng Panginoon na natutuwa ka, hindi niya ito magugustuhan, at hindi na niya parurusahan ang iyong kaaway.
19 Huwag kang mabalisa o mainggit sa mga taong masama,
20 sapagkat wala silang mabuting kinabukasan at magiging tulad sila ng ilaw na namatay.
21 Anak, igalang mo ang Panginoon at ang hari. Huwag kang makisama sa mga taong sumusuway sa kanila,
22 sapagkat hindi mo alam kung anong kapahamakan ang biglang ibibigay ng Panginoon o ng hari sa kanila.
23 Narito pa ang ilang kawikaan ng marurunong na tao:Hindi dapat magtangi ng tao sa paghatol ng katarungan.
24 Kapag pinalaya mo ang taong may kasalanan, susumpain ka at kamumuhian ng mga tao.
25 Ngunit kapag pinarusahan mo ang may kasalanan, matutuwa ang mga tao at pagpapalain ka.
26 Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
27 Ihanda mo muna ang iyong pagkakakitaan, tulad ng iyong bukid na taniman bago ka magtatag ng sariling tahanan.
28 Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, o magsalita laban sa kanya ng kasinungalingan.
29 Huwag mong sasabihin, “Gaganti ako, gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin.”
30 Dumaan ako sa bukid ng taong tamad at mangmang.
31 Puno na ito ng mga damo at matitinik na halaman, at giba na ang mga bakod nito.
32 Nang makita ko ito, napaisip ako ng mabuti, at natutunan ko ang aral na ito:
33 Sa kaunting pahinga, kaunting pagtulog, at paghalukipkip mo, taong tamad,
34 ay biglang darating sa iyo ang kahirapan na para kang ninakawan ng armadong tulisan.