Salmo 109 ASND

Ang Daing ng Taong Nasa Kahirapan

1 O Dios na aking pinapupurihan, dinggin nʼyo ang aking panawagan!

2 Dahil akoʼy pinagbibintangan ng mga sinungaling at masasamang tao.Nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.

3 Sinisiraan nila ako at sinusugod ng walang dahilan.

4 Kahit nakikipagkaibigan ako sa kanila ay kinakalaban pa rin nila ako,ngunit ipinapanalangin ko pa rin sila.

5 Sa kabutihang ginagawa ko sa kanila, masama ang iginaganti nila.At sa aking pag-ibig, ibinabalik nilaʼy galit.

6 Sinasabi nila, “Maghanap tayo ng masamang tao na kakalaban sa kanya,at magsasampa ng kaso sa hukuman laban sa kanya.

7 At kapag hinatulan na siya, lumabas sana na siya ang may kasalanan,at ituring din na kasalanan ang kanyang mga panalangin.

8 Mamatay na sana siya agad at ibigay na lang sa iba ang katungkulan niya.

9 At nang maulila ang kanyang mga anak at mabiyuda ang kanyang asawa.

10 Maging palaboy sana at mamalimos ang kanyang mga anakat palayasin sila kahit na sa kanilang ginibang tahanan.

11 Kunin sana ng kanyang pinagkakautangan ang kanyang mga ari-arian,at agawin ng mga dayuhan ang kanyang pinaghirapan.

12 Wala sanang maawa sa kanya at sa mga naulila niyang mga anak kapag namatay na siya.

13 Mamatay sana ang kanyang mga angkan upang silaʼy makalimutan na ng susunod na salinlahi.

14-15 Huwag sanang patawarin at kalimutan ng Panginoon ang mga kasalanan ng kanyang mga magulang at mga ninuno;at lubusan na sana silang makalimutan sa mundo.

16 Dahil hindi niya naiisip na gumawa ng mabuti,sa halip ay inuusig at pinapatay niya ang mga dukha, ang mga nangangailangan at ang mga nawalan ng pag-asa.

17 Gustong-gusto niyang sumpain ang iba, kaya sa kanya na lang sana mangyari ang kanyang sinabi.Ayaw niyang pagpalain ang iba kaya sana hindi rin siya pagpalain.

18 Walang tigil niyang isinusumpa ang iba; parang damit na lagi niyang suot.Bumalik sana ito sa kanya na parang tubig na nanunuot sa kanyang katawan,at parang langis na tumatagos sa kanyang mga buto.

19 Sanaʼy hindi na ito humiwalay sa kanya na parang damit na nakasuot sa katawan o sinturon na palaging nakabigkis.”

20 Panginoon, sanaʼy maging ganyan ang inyong parusa sa mga nagbibintang at nagsasalita ng masama laban sa akin.

21 Ngunit Panginoong Dios, tulungan nʼyo ako upang kayo ay maparangalan.Iligtas nʼyo ako dahil kayo ay mabuti at mapagmahal.

22 Dahil akoʼy dukha at nangangailangan, at ang damdamin koʼy nasasaktan.

23 Unti-unti nang nawawala ang aking buhay. Itoʼy parang anino na nawawala pagsapit ng gabi,at parang balang na lumilipad at nawawala kapag nagalaw ang dinadapuan.

24 Nanghihina ang mga tuhod ko dahil sa pag-aayuno.Akoʼy payat na payat na.

25 Akoʼy kinukutya ng aking mga kaaway.Iiling-iling sila kapag akoʼy nakita.

26 Panginoon kong Dios, iligtas nʼyo ako ayon sa pag-ibig nʼyo sa akin.

27 At malalaman ng aking mga kaaway na kayo Panginoon ang nagligtas sa akin.

28 Isinusumpa nila ako, ngunit pinagpapala nʼyo ako.Mapapahiya sila kapag sinalakay nila ako ngunit ako na inyong lingkod ay magagalak.

29 Silang nagbibintang sa akin ay lubusan sanang mapahiya,mabalot sana sila sa kahihiyan tulad ng damit na tumatakip sa buong katawan.

30 Pupurihin ko ang Panginoon,pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao.

31 Dahil tinutulungan niya ang mga dukha upang iligtas sila sa mga nais magpahamak sa kanila.