Salmo 136 ASND

Awit ng Pasasalamat

1 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

2 Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

3 Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

4 Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

5 Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

6 Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

7 Ginawa niya ang araw at ang buwan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

8 Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

9 Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

10 Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

11 Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

12 Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

13 Hinawi niya ang Dagat na Pula.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

14 At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

15 Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

16 Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

17 Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

18 Pinatay niya ang mga dakilang hari.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

19 Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

20 Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

21 Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

22 At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

23 Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

24 Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

25 Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.

26 Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.