1 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
2 Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
3 Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
4 Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
5 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?Wala na ba itong katapusan?Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
6 Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
7 Dahil pinatay nila ang mga mamamayan nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
8 Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
9 O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,para sa kapurihan ng inyong pangalan.Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,alang-alang sa inyong pangalan.
10 Huwag nʼyo pong hayaan na sabihin sa amin ng ibang mga bansa,“Nasaan na ang inyong Dios?”Habang kami ay nakatingin, ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito na maghihiganti kayo sa kanila dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11 Pakinggan nʼyo ang hinaing ng mga mamamayan nʼyo na binihag nila.Nakatakda silang patayin kaya palayain nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 O Panginoon, gantihan nʼyo ng pitong ulit ang mga kalapit naming bansa dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13 At kaming mga mamamayan, na inyong inaalagaan na gaya ng mga tupa sa inyong pastulan ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.Purihin kayo ng walang hanggan.