1 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin. Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya. Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”