1 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Moab:Sa loob lang ng isang gabi ay nawasak ang lungsod ng Ar at Kir na sakop ng Moab.
2 Umahon ang mga taga-Dibon sa kanilang templo at sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar para umiyak. Iniiyakan ng mga taga-Moab ang Nebo at Medeba. Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo at nagpaahit ng mga balbas upang ipakita ang kanilang kalungkutan.
3 Nakadamit sila ng sako habang lumalakad sa lansangan. Humahagulgol sila sa bubong ng kanilang mga bahay at sa mga plasa.
4 Umiiyak ang mga taga-Heshbon at ang mga taga-Eleale at naririnig ito hanggang sa Jahaz. Kaya ang mga sundalo ng Moab ay sumisigaw sa takot.
5 Nalungkot ako dahil sa nangyari sa Moab. Nagsitakas ang kanyang mga mamamayan papuntang Zoar hanggang sa Eglat Shelishiya. Nag-iiyakan sila habang umaahon papuntang Luhit. Ang iba sa kanila ay humahagulgol patungo sa Horonaim, dahil sa kanilang sinapit.
6 Natuyo ang mga sapa ng Nimrim at nalanta ang mga damo. At wala nang sariwang mga tanim,
7 kaya dinala nila sa kabila ng daluyan ng tubig ng Arabim ang mga ari-arian at kayamanang natipon nila.
8 Ang iyakan nila ay maririnig sa hangganan ng Moab, mula sa Eglaim hanggang sa Beer Elim.
9 Naging pula sa dugo ang tubig ng Dibon, pero higit pa riyan ang gagawin ko: Magpapadala ako ng mga leon na lalapa sa mga nagsisitakas sa Moab at sa mga naiwan doon.