1 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay nasa akin. Sapagkat hinirang niya ako na mangaral ng magandang balita sa mga mahihirap. Sinugo niya ako para aliwin ang mga sugatang-puso, at para ibalita sa mga bihag at mga bilanggo na silaʼy malaya na.
2-3 Sinugo rin niya ako para ibalita na ngayon na ang panahon na ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan ang kanilang mga kaaway. Sinugo rin niya ako para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion, nang sa ganoon, sa halip na maglagay sila ng abo sa kanilang ulo bilang tanda ng pagdadalamhati, maglalagay sila ng langis o ng koronang bulaklak sa kanilang ulo bilang tanda ng kaligayahan. Silaʼy magiging parang matibay na puno na itinanim ng Panginoon. Kikilalanin silang mga taong matuwid sa ikakaluwalhati ng Panginoon.
4 Muli nilang itatayo ang kanilang mga lungsod na matagal nang nagiba.
5 Mga mamamayan ng Dios, maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan. Aalagaan nila ang inyong mga hayop, at magtatrabaho sila sa inyong mga bukid at mga ubasan.
6 Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon, mga lingkod ng ating Dios. Makikinabang kayo sa kayamanan ng mga bansa at magagalak kayo na ang mga itoʼy naging inyo.
7 Sa halip na kahihiyan, dodoble ang matatanggap ninyong pagpapala sa inyong lupain at talagang masisiyahan kayo sa matatanggap ninyo. Magiging maligaya kayo magpakailanman.
8 “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagagalak sa katarungan. Galit ako sa mga pagnanakaw at sa iba pang kasamaan. Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko ang mga mamamayan ko at gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila.
9 Ang lahi nilaʼy magiging tanyag sa mga bansa. Ang lahat ng makakakita sa kanila ay magsasabing mga tao silang aking pinagpala.”
10 Nalulugod ako sa Panginoon kong Dios, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magandang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas.
11 Sapagkat kung papaanong tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi, ang tagumpay at katuwiran naman ay tiyak na manggagaling sa Panginoong Dios, at pupurihin siya ng mga bansa.