Isaias 43 ASND

Nangako ang Dios na Iligtas ang Israel

1 Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita. Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay akin.

2 Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo.

3 Sapagkat ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko sa ibang bansa ang Egipto, ang Etiopia, at ang Seba bilang kapalit mo.

4 Ibibigay ko ang ibang mga tao bilang kapalit mo, dahil ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin, at dahil mahal kita.

5 Huwag kang matatakot dahil kasama mo ako. Titipunin ko ang iyong mga lahi mula sa silangan hanggang sa kanluran.

6 Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga at sa timog na hayaang bumalik sa kanilang lupain ang iyong mga lahi, at hayaang umuwi saan mang sulok ng mundo.

7 Sila ang mga taong aking tinawag. Nilikha ko sila para sa aking karangalan.”

8 Sinabi pa ng Panginoon, “Tawagin mo ang aking mga mamamayan na may mga mata, pero hindi makakita; may mga tainga, pero hindi makarinig.

9 Tawagin mo ang lahat ng mamamayan ng mga bansa. Sino sa mga dios-diosan nila ang makakahula tungkol sa hinaharap? Sino sa kanila ang makapagsasabi tungkol sa mga nangyayari ngayon? Isama nila ang kanilang mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi, upang ang mga makakarinig ay makapagsasabing, ‘Totoo nga.’

10 Mga mamamayan ng Israel, kayo ang aking mga saksi. Pinili ko kayong maging mga lingkod ko, para makilala ninyo ako at magtiwala kayo sa akin, at para maunawaan ninyo na ako lamang ang Dios. Walang ibang Dios na nauna sa akin, at wala ring Dios na susunod pa sa akin.

11 Ako lang ang Panginoon at maliban sa akin ay wala nang iba pang Tagapagligtas.

12 Nagpahayag ako na ililigtas ko kayo, at tinupad ko nga ito. Walang ibang Dios na gumawa nito sa inyo, kayo ang mga saksi ko.”Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang Dios.

13 Mula pa noon ako na ang Dios. Walang makakatakas sa aking mga kamay. Walang makakapagbago ng mga ginagawa ko.”

Nangako ang Dios na Tutulungan niya ang Kanyang mga Mamamayan

14 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel, “Para maligtas kayo, ipapasalakay ko ang Babilonia sa mga sundalo ng isang bansa, at tatakas sila sa pamamagitan ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki.

15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal na Dios, ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari.

16 Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa gitna ng dagat.

17 Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay.

18 Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan,

19 dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto.

20 Pararangalan ako ng maiilap na hayop, pati na ng mga asong-gubat at mga kuwago, dahil maglalagay ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan.

21 Sila ang mga taong aking nilikha para sa akin at para magpuri sa akin.

22 “Pero hindi ka humingi ng tulong sa akin, Israel, at ayaw mo na sa akin.

23 Hindi ka na nag-aalay sa akin ng mga tupang handog na sinusunog. Hindi mo na ako pinararangalan ng iyong mga handog kahit na hindi kita pinahirapan o pinagod sa paghingi ng mga handog na regalo at mga insenso.

24 Hindi mo ako ibinili ng mga insenso o pinagsawa sa mga taba ng hayop na iyong mga handog. Sa halip, pinahirapan mo ako at pinagod sa iyong mga kasalanan.

25 “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa.

26 Isipin natin ang mga nakaraan. Magharap tayo. Patunayan mong wala kang kasalanan.

27 Nagkasala sa akin ang mga ninuno mo, at nagrebelde sa akin ang iyong mga pinuno.

28 Kaya inilagay ko sa kahihiyan ang iyong mga pari, at ikaw, Israel ay ipinaubaya ko sa kapahamakan at kahihiyan.