1 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, mauupo ka sa lupa. Mauupo ka ng walang trono. Ikaw na parang birheng pihikan at mahinhin noon pero hindi na ngayon.
2 Isa ka nang alipin ngayon, kaya kumuha ka ng batong gilingan at maggiling ka na ng trigo. Alisin mo na ang belo mo, at itaas ang damit mo para makita ang iyong hita habang tumatawid ka sa ilog.
3 Lalabas ang iyong kahubaran at mapapahiya ka. Maghihiganti ako sa iyo at hindi kita kaaawaan.”
4 Ang ating Tagapagligtas, na ang pangalan ay Panginoong Makapangyarihan ay ang Banal na Dios ng Israel.
5 Sinabi ng Panginoon, “Babilonia, maupo ka nang tahimik doon sa dilim. Hindi ka na tatawaging reyna ng mga kaharian.
6 Nagalit ako sa aking mga mamamayan at itinakwil ko sila. Kaya ibinigay ko sila sa iyong mga kamay, at hindi mo sila kinaawaan. Pati ang matatanda ay iyong pinagmalupitan.
7 Sinasabi mong ang iyong pagiging reyna ay walang katapusan. Pero hindi mo inisip ang iyong mga ginawa at kung ano ang maidudulot nito sa iyo sa huli.
8 Kaya pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan at nag-aakalang ligtas. Sinasabi mo pa sa iyong sarili na ikaw ang Dios at wala nang iba pa. Inaakala mo ring hindi ka mababalo o mawawalan ng mga anak.
9 Pero bigla itong mangyayari sa iyo: Mababalo ka at mawawalan ng mga anak. Talagang mangyayari ito sa iyo kahit na marami ka pang alam na mahika o panggagaway.
10 Naniniwala kang hindi ka mapapahamak sa paggawa mo ng kasamaan, dahil inaakala mong walang nakakakita sa iyo. Inililigaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, at iyon din ang dahilan kung bakit sinasabi mong ikaw ang Dios at wala nang iba pa.
11 Kung kaya, darating sa iyo ang kapahamakan at hindi mo malalaman kung papaano mo iyon mailalayo sa pamamagitan ng iyong mahika. Darating din sa iyo ang salot na hindi mo mababayaran para tumigil. Biglang darating sa iyo ang pagkawasak na hindi mo akalaing mangyayari.
12 Sige ipagpatuloy mo ang iyong mga mahika at mga pangkukulam na iyong ginagawa mula noong bata ka pa. Baka sakaling magtagumpay ka, o baka sakaling matakot sa iyo ang mga kaaway mo.
13 Pagod ka na sa marami mong mga pakana. Magpatulong ka sa iyong mga tao na nag-aaral tungkol sa mga bituin at nanghuhula bawat buwan tungkol sa mga mangyayari sa iyo.
14 Ang totoo, para silang mga dayaming madaling nasusunog. Ni hindi nga nila maililigtas ang kanilang sarili sa apoy. At ang apoy na itoʼy hindi tulad ng pangkaraniwang init kundi talagang napakainit.
15 Ano ngayon ang magagawa ng mga taong hinihingan mo ng payo mula nang bata ka pa? Ang bawat isa sa kanilaʼy naligaw ng landas at hindi makakapagligtas sa iyo.