1 Nang panahong iyon, nabalitaan ng hari ng Babilonia na si Merodac Baladan na anak ni Baladan, na gumaling si Hezekia sa sakit nito. Kaya nagpadala siya ng sulat at mga regalo sa pamamagitan ng kanyang mga sugo.
2 Malugod na tinanggap ni Hezekia ang mga sugo, at ipinakita niya sa mga ito ang lahat ng mga bagay sa taguan ng kayamanan niya – ang mga pilak, ginto, sangkap, magagandang uri ng langis, mga armas at ang iba pa niyang kayamanan. Wala ni isang bagay sa palasyo o kaharian ang hindi niya ipinakita sa kanila.
3 Samantala, pumunta si Propeta Isaias kay Haring Hezekia at nagtanong, “Saan ba nanggaling ang mga taong iyan at ano ang kailangan nila?” Sumagot si Hezekia, “Pumunta sila rito na galing pa sa Babilonia.”
4 Nagtanong pa ang propeta, “Ano ang nakita nila sa palasyo mo?” Sumagot si Hezekia, “Nakita nila ang lahat ng bagay sa palasyo ko. Wala kahit isa sa mga kayamanan ko ang hindi ko ipinakita sa kanila.”
5 Pagkatapos, sinabi ni Isaias kay Hezekia, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon:
6 Darating ang panahon na dadalhin sa Babilonia ang lahat ng kayamanan sa palasyo mo, pati ang lahat ng naipon ng mga ninuno mo na nariyan pa hanggang ngayon. Walang matitira, sabi ng Panginoon.
7 At ang iba sa mga susunod na lahi mo ay bibihagin at magiging alipin sa palasyo ng hari ng Babilonia.”
8 Ang akala ni Hezekia ay hindi iyon mangyayari sa panahon niya, kundi magiging mapayapa at walang panganib ang kanyang buhay. Kaya sinabi niya kay Isaias, “Maganda ang mensahe ng Panginoon na sinabi mo sa akin.”